NAKAMIT ng mag-aaral sa ika-apat na taon ng creative writing na si Angela Maria Tabios ang Rector’s Literary Award (RLA) para sa kanyang akdang tumatalakay sa sakripisyong nararanasan ng kababaihan sa isang relasyon.

Pinili ng Rektor ng Unibersidad, P. Richard Ang, O.P., ang nagwagi ng RLA mula sa mga nagkamit ng unang gantimpala sa iba’t ibang kategorya ng Gawad Ustetika, ang taunang patimpalak pampanitikan ng Varsitarian. Galing din sa Rektor ang gantimpala.

Nasungkit ni Tabios ang unang gantimpala sa kategoryang Fiction para sa kaniyang akdang “A Thousand Sweet Deaths.”

“‘Yong central metaphor na ginamit ko dito is honey, and at the same time ‘yon nga, ‘yong pagkamatay. Kumbaga, kahit na may mga matatamis na bagay or kahit na akala mo na mabuti iyon, hindi natin alam na nakakasakit na pala tayo ng iba,” wika ni Tabios sa isang panayam ng Varsitarian.

I wanted to say na love has to have autonomy, kumbaga kahit na gaano ka ka-devoted sa isang tao, kapag nasasakal mo na siya, you have to know na the other person is still a person at the end of the day,” aniya.

Ayon kay Tabios, eksperimental ang naging proseso niya sa pagsulat ng akda, kabilang ang paggamit ng “kill your darlings,” o ang pagtanggal ng ilang bahagi ng kuwento upang mapaiksi at mapatingkad ito.

So kill your ‘darlings’ pero at the same time, magtiwala ka. Kahit kaunting tiwala lang sa piece mo, and eventually kaya niya ng ipaglaban ‘yong sarili niya,” dagdag niya.

Hinimok niya ang mga Tomasinong manunulat na nais lumahok sa susunod na edisyon ng patimpalak na huwag sumali para lamang sa karangalan.

“Mas nagiging sweet ‘yong pagkapanalo kasi hindi mo talaga ini-expect kasi diba may saying nga, ‘yong mga bagay na unexpected, ‘yon pa ‘yong mas nakakakilig,” aniya.

Noong ika-40 Gawad Ustetika, nakamit ni Tabios ang ikatlong gantimpala sa kategoryang One-Act Play para sa akdang “Choke,” ang kanyang unang pagsali sa patimpalak.

Umabot sa 272 ang bilang ng mga lahok sa ika-41 edisyon ng Gawad Ustetika, ang pinakamataas sa kasaysayan nito.

Pinarangalan si Tabios sa Gabi ng Parangal ng ika-41 Gawad Ustetika sa Gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P. noong Marso 27. May ulat nina Amadar Denzel M. Teston at Chloe Elysse B. Ibañez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.