KASABAY ng paglaganap ng disimpormasyon, artificial intelligence, at mababaw na pagkonsumo ng impormasyon, iginiit ng tanyag na historyador at kolumnistang si Ambeth Ocampo ang kahalagahan ng masusing pagsusuri, pagninilay, at pagmamatiyag.
Masusing pagsusuri ng impormasyon, aniya, ang susi sa katotohanan.
“Ang training namin, hindi lang sa isang source ang titingnan mo. Laging maghahanap ka. Magva-validate ka. Dalawa, tatlong source. Pipiliin mo kung ano ang totoo o paano mo pagsasamahin ‘yung tatlo para makuha mo kung anong katotohanan,” aniya sa talakayang “Taking History.”
Ang panayam ay bahagi ng History to Experience (HistoEx), pangunahing programa ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) bilang paggunita sa taong 2023 hanggang 2033 na idineklara ng Malacañang sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 386 bilang “Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas.”
Ipinaliwanag ni Ocampo na hindi lamang pagbabalik-tanaw ang layunin ng kasaysayan kundi ang pagbubunyag sa mga bagay na nalilimot o sadyang iniiwasang pag-usapan.
“History is also about forgetting, but not that we forget—it is actually looking for what people have forgotten, [bringing] it out into the open, and [using] it to change our lives for the better,” wika niya.
Sa pagtalakay sa mga bayani tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio, dapat isipin namasalimuot ang mga tauhan sa kasaysayan.
“Hindi sila black and white. Hindi sila madaling intindihin. At kapag nakita natin sila in their complexity, maiintindihan din natin hindi lang ang kasaysayan kundi ang ating pagkatao bilang Pilipino.”
Dagdag pa niya, hindi sapat ang kaalaman mula sa internet. Kailangang palalimin ito sa pamamagitan ng pagbabasa, pakikipag-usap, at paglalakbay.
“Ang ating utak ay parang balon. Kinukuha natin ang tubig diyan, nauubos din ‘yan. Kailangan pinupuno mo rin ‘yung balon,” aniya.
Sa temang “Now Boarding: Generations in Transit,” itinampok ng HistoEx ang mahigit 30 na exhibitor mula sa iba’t ibang organisasyon at ahensyang kultural, katulad ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Library of the Philippines.
Inilunsad ng NHCP ang proyektong ito sa pakikipagtulungan ng J. Amado Araneta Foundation, Gateway Gallery, Gateway Mall, Maynilad, TBA Studios at San Miguel Corp. upang sabayang ipagdiwang ang Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan.
Idinaos ang HistoEx mula ika-1 hanggang ika-3 ng Agosto. May ulat ni Sofia Gabrielle G. Rosario







