(Dibuho ni Antoinette Lindsey G. Solis/ The Varsitarian)

PASAWAY, mataas ang tingin sa sarili, ngunit may matibay na paninindigan. Ganito inilarawan ng ilang kaklase at propesor si Manuel Quezon noong tinatahak pa lamang niya ang buhay-estudyante sa Unibersidad.

Bago tuluyang makilala bilang “Ama ng Wikang Pambansa” at unang pangulo ng Commonwealth, nag-aral si Quezon ng sekondarya sa Colegio de San Juan de Letran, kung saan nagtapos siya ng mga kurso sa Latin, Espanyol, at kasaysayan. 

Sa panahong iyon, nakilala niya ang ilang paring Dominiko na humimok at tumulong sa kanya na magpatuloy sa pag-aaral ng abogasya.

Sa tulong ni Fr. Serapio Tamayo, O.P., na naging tagapayo niya, nakapasok si Quezon sa UST bilang working student. Nagturo siya ng matematika bilang kapalit ng libreng matrikula at tirahan. 

Opisyal siyang nagpatala noong 1895, ngunit naputol ang kanyang pag-aaral nang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino.

Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng batas noong 1897 ngunit muli itong nahinto nang sumiklab ang Digmaang Pilipino–Amerikano matapos manaig ang puwersang Amerikano sa Maynila noong Mayo 1, 1898. 

Malinaw sa kanya ang naging epekto ng digmaan, sapat upang sundin niya ang mungkahi ng isang paring Dominiko na mag-aral ng dogmatic theology upang humanap ng direksyon.

Ngunit tumagal lamang nang isang araw ang pagtatangkang iyon. Sa kaniyang unang klase, tinawag siya ng propesor na si Padre. Vaquero at pabirong nagtanong: “Who deceived you and gave you the idea that you can become a priest?” 

Ayon sa kuwento ni Quezon, tumayo siya, lumabas ng silid, at “hindi na kailanman bumalik.”

Mula rito, lumitaw ang likas na kumpiyansa at matinding paniniwala sa sariling kakayahan, mga katangiang magtatakda sa buong landas ng kanyang buhay. 

Hindi lang ito makikita sa paraan niya ng pagharap sa awtoridad kundi lalo na sa talas ng isip at husay sa pangangatwiran na pumukaw sa respeto ng kanyang mga guro at kaklase.

Isinalaysay ng kaklase niyang si José Francia na minsang nakipag-debate si Quezon hinggil sa paksang “Dios es justo” (Makatarungan ang Diyos). 

Marami ang tumindig laban sa proposisyon, iginiit na hindi maaaring tawaging makatarungan ang Diyos kung may hindi pagkakapantay-pantay sa daigdig. Tahimik na nakinig si Quezon, ngunit nang siya na ang magsalita, tumayo siya at pabirong wika: “Ustedes faltan de sentido común!” (“Wala kayong common sense!”).

Ipinaliwanag niyang puti man o itim, mapait o matamis, maanghang o mapakla, nakukuha ng tao ang kanyang minimithi. 

Dahil dito, aniya, makatarungan ang Diyos sapagkat ibinibigay niya sa tao ang kanyang hinahangad. Sa talas ng kanyang argumento, pinaburan ng kanilang propesor ang panig ni Quezon.

Ganito rin ang alaala ng kaklase niyang si Francisco Ortigas, na inilalarawan si Quezon bilang pasaway na estudyanteng sadyang lumalabag sa mga patakaran. 

Ngunit, aniya, dito pa lamang ay malinaw na ang palatandaan ng magiging dakilang kinabukasan ni Quezon na kapag naniniwala siyang tama siya, hindi niya ito binibitawan.

Inamin mismo ni Quezon na mayabang at mapagmataas siya noong kabataan. Ipinagmamalaki raw niyang ipakita sa mga kamag-aral na kaya niyang suwayin ang awtoridad, at higit pa ang kasiyahang ibinibigay nito kaysa sakit ng anumang parusa. 

Matapos niyang makapagtapos na may mga medalya at karangalan, umabot pa raw sa puntong inisip niyang “higit siya sa lahat” maging sa Kapitan Heneral ng mga Espanyol.

Sa huli, hindi niya tinahak ang landas ng simbahan. Pinili niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng batas, at noong 1903, matapos makapasa sa bar examinations, tuluyan siyang naging abogado, simula ng isang buhay pampublikong unti-unting huhubog sa kasaysayan ng bansa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.