BAGAMAN nabibigyan ng plataporma ang mga pelikulang gawa ng Filipino, hadlang pa rin sa industriya ang kapos na pagsuporta, ayon sa mga filmmaker.
Inihayag ni Jose Reyes, tagapangulo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), na “naghihihakahos” ang pelikulang Pilipino sa kabila ng patuloy na pagdagsa ng mga manonood sa Cinemalaya na nagtatampok ng likha ng mga independent filmmaker.
“Ito ay sa aking pakiwari lang, hindi presyo ng ticket ang problema,” wika ni Reyes sa isang panayam noong ika-10 ng Agosto. “Ang problema ay ang attitude ng Pilipino sa Pelikulang Pilipino.”
Nakaugat ang kanyang pahayag sa malaking agwat ng kita ng mga pelikulang Hollywood sa takilya, tulad ng “The Odyssey” ni Christopher Nolan at ng “Spider-Man: Brand New Day” na nagpapakita ng matinding kompetisiyon sa mga sinehan.
Para kay Jose Mojica, isang kritiko ng pelikula at kawaning dalubguro mula sa UST Department of Communication, hindi lamang ang audience attitude ang nakaaapekto sa lokal na industriya.
“I agree na naghihikahos ‘yong pelikulang Pilipino. Hindi siya patay but it’s barely surviving at this point,” wika niya sa panayam ng Varsitarian.
Inilahad ni Mojica na kabilang sa mga suliraning kinakaharap ng pelikulang Pilipino ang patuloy na pagtaas ng production costs na hindi kadalasang napapansin ng mga moviegoer.
Ayon kay Mojica, na nagtapos ng Digital Filmmaking sa De La Salle–College of Saint Benilde, patuloy na humaharap sa tumataas na gastusin ang maliliit na produksiyon, kabilang ang mga student at thesis film at mga propesyonal na pelikula.
Dagdag pa rito ang problema sa distribusiyon at limitadong screening venues, na aniya’y nakaaapekto upang maabot ang mga manonood sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Why are we gonna give you a space if we’re not certain about revenue?” ani Mojica, na nagsabing mahirap para sa ilang pelikula na makakuha ng espasyo sa mga sinehan dahil nakasalalay sa kita ang pagpapatakbo ng mga ito.
Para sa premyadong indie filmmaker na si Rodina Singh, hindi makatarungang ikumpara ang mga pelikulang Pilipino sa internasyunal na gawa batay lamang sa teknolohiya at production value, lalo na’t magkaiba ang kalagayan at resources ng mga industriya.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paghubog sa mga manonood sa pamamagitan ng film literacy at edukasiyon, lalo na sa paraan ng pagtanggap at pagsusuri ng mga pelikulang Pilipino.
“Because film is a language,” ani Singh sa kaniyang Facebook post noong ika-16 ng Agosto. “May grammar, vocabulary, rhythm, metaphor, genre at cultural context ang cinema. At tulad ng kahit anong language, kailangan mo rin itong [matutuhang] i-receive.”
Dagdag pa niya, nakaaapekto rin ang edukasiyon, uri ng pamumuhay, heograpiya, at information environment sa paraan ng pagtanggap ng isang tao sa pelikula.
Nang magkaroon ng pandemya, malaki ang naging epekto ng online streaming platforms sa mga sinehan.
Nagtala ang entertainment industry ng P16 bilyong pagkalugi mula Marso 2020, ayon sa “Now Showing: A Sneak Peek to the Philippines Film and Entertainment Industry brought by Covid-19,” isang pag-aaral na inilathala sa International Journal of Progressive Research in Science and Engineering.
Inilarawan ni Mojica na “double-edged sword” ang paglaganap ng streaming services gaya ng Netflix na naaabot ang mga manonood sa ibang bansa.
“There’s access and there’s appreciation,” wika niya. “But on the other hand, nobody’s willing to pay for cinemas anymore.”
Ayon kay Mae Chan Li, isang filmmaker at alumna ng UST, nawala umano ang pananabik ng mga manonood na pumunta sa sinehan dahil sa paglaganap ng mga pelikulang maaaring mapanood online anumang oras.
Pag-unlad ng Cinemalaya Independent Film Festival
Nakapagtala ang edisiyon ng ika-22 Cinemalaya Independent Film Festival ng P18.5 milyon box office sales, higit na mas mataas kumpara sa P12.6 milyon noong nakaraang taon.
“The turnout this year is good despite the rainy days,” wika ni Mojica.
Aniya, nakatulong sa resultang ito ang desisyon ng Cinemalaya na buksan ang mga pelikula sa maraming venue gaya ng Shang-ri La, Gateway Cineplex 18 at iba’t ibang sangay ng Ayala Malls sa buong bansa.
Nagsimula noong 2023 ang renovation ng Cultural Center of the Philippines, na dating pangunahing venue ng festival.
“I believe that we Filipinos, the Filipino audience, still crave a more grounded connection with films we watch,” saad ni Mojica.
“We want more humanistic films, we want more realistic films, we want films that tell the story of the Filipino people,” dagdag pa niya.
Para sa aktor at direktor na si Jun Sabayton, na pinarangalan noong 2005 Gawad Urian Awards, mahalagang palawakin pa ang pagpapalabas ng Cinemalaya upang mapanood ng buong bansa ang aniya’y mga “pelikulang may saysay at kalidad.”
Ayon kay Sarge Lacuesta, dating FDCP executive director at direktor ng “Song of the Fireflies,” mainam na gawing buwanan at paisa-isa ang pagpapalabas ng pelikula sa nasabing film festival.
“We showed one Cinemalaya film a month so they wouldn’t compete for the same audience and endure simultaneous juggernaut drives for private and public funding!” saad niya sa isang Facebook post.
Giit ni Li, hindi mapapalitan ng anumang computer-generated imagery (CGI) ng mga pelikulang Hollywood ang kultura, wika, at kahusayan ng mga Filipino sa paglalarawan ng realidad ng bansa.
Bagaman malaki ang kinakailangang pondo para sa CGI, unti-unti nang isinasama ang CGI sa mga lokal na pelikula, tulad ng pelikulang “Firefly” na kinilala bilang Best Picture sa nagdaang 49th Metro Manila Film Festival.
“Magandang senyales ang pagbabalik ng mga manonood sa mga sinehan [ngayon], pero hindi pa ito nangangahulugan na pantay-pantay na ang pag-unlad ng buong local film industry,” ani Li.
“Para sa akin, ang pinakamalaking kalakasan ng Filipino filmmakers ay ang kakayahan nating magkuwento mula sa sariling konteksto at karanasan,” wika ni Li sa panayam ng Varsitarian.
Nagkamit ng Special Jury Prize ang kaniyang short film na “Para-Paraan” sa Cinemalaya noong ika-17 ng Agosto.
Tinatalakay ng kuwento ang mga pang-araw-araw na kinakaharap ng persons with disabilities tulad ng pagkuha ng gamot sa botika, pag-withdraw ng pera sa bangko, at pamimili sa grocery stores. D. C. V. Latasa







