INILAHAD ng kawaksing dalubguro na si Myra de Leon, bagong tagapangulo ng UST Departamento ng Filipino, ang kaniyang mga plano upang palakasin ang wikang Filipino sa Unibersidad.
Sa mahigit na dalawang dekada ng paglilingkod bilang guro, iminungkahi ni De Leon ang kanyang pagnanais na patibayin ang ugnayan ng departamento sa iba’t ibang yunit ng pamantasan at higit pang palawakin ang presensya ng wikang Filipino sa pananaliksik at gawaing akademiko.
“Kailangan muling bisitahin or i-revisit ang ugnayan ng Filipino department sa iba’t ibang unit sa ating Unibersidad,” wika niya sa panayam ng Varsitarian.
Isa sa mga pangunahing hakbang na kaniyang isusulong ay ang pagpapalawak ng taunang seminar na “Wikaakuhan” tuwing Buwan ng Wika.
Sa halip na umasa sa mga panauhing tagapagsalita mula sa labas, nais niyang gawing plataporma ito para sa mga administrador at guro ng Unibersidad upang maipakita ang kanilang mga pananaliksik at likhang-sining sa wikang Filipino.
Bilang kasapi ng lupon ng tagasalin ng Sentro sa Salin at Araling Salin at patnugot ng Hasaan Journal, binigyang-diin ni de Leon ang tungkulin ng departamento sa paggabay sa mga Tomasino sa pagsasalin ng kanilang pananaliksik, lalo na sa estruktural na aspekto.
Ayon kay de Leon, nananatiling mahalaga ang wikang Filipino bilang midyum ng pananaliksik, ngunit aminado siyang mas limitado ang paggamit nito sa kolehiyo kumpara sa basic education.
“Pwede naman nating i-celebrate ang [Buwan ng Wika] kahit kailan—walang oras o panahon ang pagpapahalaga sa wika kung ikaw ay Filipino,” aniya.
Sa kabila ng hamon ng digital at multilingual na komunikasyon, itinuturing ni de Leon na lakas ng departamento ang pagsasanib ng mga batang guro na eksperto sa teknolohiya at mga beteranong propesor na dalubhasa sa pagtuturo.
Bago italaga bilang tagapangulo, nagsilbi si de Leon ng 15 taon bilang tagapag-ugnay ng UST Simbahayan Community-based Education Program. Jamiebeth P. Ortega may ulat ni Frenchshield Shayne G. Delovieres






