Bagong tagapangulo ng Filipino: Palakasin ang wika sa gitna ng pagbabago sa edukasyon, teknolohiya

0
28

LAYONG palakasin ng bagong tagapangulo ng Departamento ng Filipino na si Asst. Prof. Leidy May Alnajes ang papel ng Filipino bilang asignatura at wika sa gitna ng mga pagbabago sa edukasyon at teknolohiya.

Natapat ang simula ng kanyang termino sa Taong Akademiko 2026-2027 sa pagbubukas ng Buwan ng Wika.

“Ang gusto ko munang pagtuunan, paano namin mapapakita at mapapanatiling relevant o napapanahon at mahalaga ang Filipino sa gitna ng mga pagbabago sa curriculum, pagbabago sa teknolohiya at sa mga pangangailangan ng mag-aaral,” wika niya sa panayam ng Varsitarian.

Tinuran niya ang iminungkahing reframed curriculum ng Commission on Higher Education kung saan tatanggalin ang mga asignaturang general education

“Importante ‘yong kanilang (mag-aaral) paraan ng pakikipagkomunikasyon o sa komunikasyon, ‘yong critical thinking o ‘yung pag-iisip nang mapanuri,” aniya.

Dagdag pa ni Alnajes, mahalagang tungkulin ng mga guro na gabayan ang mga estudyante sa responsable at wastong paggamit ng artificial intelligence (AI). 

Layon ni Alnajes na pag-igtingin ang ugnayan ng departamento sa mga kolehiyo at fakultad ng Unibersidad upang higit na maipakita ang gamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina.

Nasa ilalim ng Kolehiyo ng Edukasyon ang kagawaran ngunit isa itong service department na humahawak ng general education courses sa buong Unibersidad.

Ibinahagi ni Alnajes ang kolaborasyon ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin at College of Science para sa proyektong “Sandaang Saling Agham,” na naglalayong isalin ang 100 research abstracts ng mga nagsipagtapos noong 2024.

“Gusto ko lang ipagpatuloy ang magandang nasimulan ng dating tagapangulo at siguraduhin na hindi mapuputol ‘yong mga magagandang naumpisahan, ‘yong mga programa, mga ugnayang naitatag nila,” dagdag pa ni Alnajes.

Nagsilbi si Alnajes bilang faculty secretary ng Graduate School of Law bago maitalagang tagapangulo ng Departamento ng Filipino.

Aniya, ang mga karanasang natamo niya sa administrative work, documentation at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tanggapan ang nais niyang dalhin sa kanyang bagong tungkulin.

Ibinahagi ni Alnajes na ang pagtanggap niya sa bagong posisyon ay nakaugat sa oportunidad na makapaglingkod para sa Kolehiyo ng Edukasyon, kung saan siya nagtapos ng bachelor’s degree sa Filipino noong 2002. 

Kinuha niya ang kanyang masterado sa Sining sa Araling Filipino–Wika, Kultura, Midya sa De La Salle University noong 2020.

Ilan sa mga asignaturang hawak ni Alnajes ang Kontekstuwalisadong Komunikasyon sa Filipino at Panimulang Pagsasalin. 

Kasalukuyan siyang patnugot sa TALA : An Online Journal of History at miyembro ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin.

Isa siya sa mga nagpresenta ng pananaliksik sa International Conference on Multidisciplinary Filipino Studies noong 2025 na may temang “Filipino para sa Sostinableng Pag-unlad.”

Tinatapos niya ang kanyang doktorado sa pagsasalin sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. James Maverick R. Talavera

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.