OPISYAL na binuksan ng Kolehiyo ng Edukasyon ang pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo nito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mayamang kasaysayan at mga naging tagumpay ng institusyon mula nang itatag ito noong 1926.

Pinangunahan ni Symon Lagao,  junior librarian mula sa Antonio Vivencio del Rosario UST Heritage Library, ang lektura tungkol sa pagkatatatag ng kolehiyo nitong ika-6 ng Agosto sa Thomas Aquinas Research Center Auditorium.

Ibinahagi niya ang pananaliksik mula sa mga tala ng UST Library at Archives, katuwang ang mga mag-aaral na bumuo ng annotated bibliography para sa kasaysayan ng kolehiyo.

Itinatag ang kolehiyo noong 1926 sa pamumuno ni Fr. Silvestre Sancho, ang unang dekano ng kolehiyo, upang tugunan ang kakulangan ng mga gurong magsusulong ng edukasyong nakaugat sa aral at pagpapahalaga ng Simbahang Katolika.

“The university saw a pressing need for Catholic education, especially Catholic teachers who would excel not only in their profession but also uphold Catholic values to the predominantly Catholic Filipino population,” ani Lagao alinsunod sa inilathalang artikulo ni Sancho sa Unitas Journal.

Isa sa pinakamalaking hamon noon ay ang paghingi ng pahintulot sa Simbahang Katolika upang tumanggap ng mga babaeng mag-aaral.

Matapos ang serye ng liham sa pagitan ng pamunuan ng unibersidad, mga opisyal ng Simbahan sa Roma, at ng Santo Papa, ipinagkaloob ni Papa Pio XI noong Enero 27, 1926 ang pahintulot kapalit ng mahigpit na patakaran sa pisikal na paghihiwalay ng mga babae at lalaki sa loob ng kampus.

Noong Marso 31, 1926, opisyal na kinilala ng pamahalaang kolonyal ng Amerika ang Kolehiyo ng Edukasyon. Pagsapit ng Hunyo 18, nagsimula ang klase sa lumang gusali ng Intramuros campus na may 46 mag-aaral.

Dalawang taon matapos mabuo ang Kolehiyo ng Edukasyon, itinatag naman ang UST High School bilang kauna-unahang laboratory school

Noong 1950, humiwalay ito at isinilang ang UST Education High School (EHS) sa pamumuno ni Fr. Angel de Blas, O.P. Ang EHS ay nagdiriwang din ngayong taon ng ika-75 anibersaryo.

Kasunod nito ay ang pagtatatag ng Normal School noong 1940 para sa paghahanda ng mga guro sa elementarya at ng UST Grade School noong 1941 bilang training laboratory para sa mga mag-aaral ng Normal School.

Pagsapit naman noong 1970, binuo ang Institute of Nutrition, Food Science, and Home Economics, na muling isinama sa kolehiyo pagdating ng dekada ’80.

“[T]hese records [and] documents are a testament to what the college has become,” wika ni Lagao sa panayam ng Varsitarian.

Mula sa orihinal na Bachelor of Science in Education (BSE), lumawak ang program offerings ng kolehiyo upang isama ang Bachelor of Library and Information Science, Bachelor of Elementary Education, Bachelor of Science in Nutrition and Dietetics, Bachelor of Science in Food Technology, at Bachelor of Science in Social Work.

Bilang bahagi ng sentenaryo, nakatakdang muling ilunsad ang “Education Journal,” dating kilala bilang UST Journal of Education.

Isasagawa rin ang serye ng mga lektura at kumperensiya, kabilang ang 4th International Conference on Multidisciplinary Filipino Studies at ang 65th Philippine Association for Language Teaching (PALT) International Conference and Convention.

Isasagawa ang pagdiriwang hanggang Mayo 15 ng susunod na taon. Sofia Gabrielle G. Rosario at M.I. Fery

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.