SA KABILA ng pagkilala sa artificial intelligence (AI) bilang kasangkapan na nakatutulong sa pananaliksik at pag-aaral, binigyang-diin ng isang dalubguro sa computer studies ang mga limitasyon at banta na hatid nito sa wika at kalikasan.
“Itong mga AI tools na ito, algorithm ‘yong gumawa sa kanila, hindi eksperto,” ani Prop. Nathaniel Oco ng College of Computer Studies ng Pamantasang De La Salle.
Ibinahagi niya sa talakayan ang “Language Tool: Free AI Grammar Checker,” isang website na kanyang binuo noong 2011 na layong iwasto ang mga bantas, baybay, at gramatika ng pangungusap sa Filipino.
Gayunpaman, isa sa mga pangunahing limitasyon ang pagdepende ng AI tool sa impormasyon na ginagamit sa pagpapatakbo nito, ani Oco.
Dagdag pa niya, nananatiling mahalaga ang papel ng tao sa pagsusuri sa mga tuntunin at datos na pinagbabatayan ng teknolohiya.
“Una, kailangan interdisiplinaryo ang mga pag-aaral. Pangalawa, kailangan [may] malay tayo sa mga tuntunin at kung anong sinasabi ng datos,” wika niya.
Binanggit ni Oco ang suliranin ng gender bias sa mga AI translation tool.
Isang halimbawa nito, ang gender-neutral na parirala sa Filipino na “siya ay doktor” ay awtomatikong isinasalin ng isang AI tool sa “he is a doctor.”
Sa talakayan hinggil sa pagpapatayo ng AI-related industrial hub tulad ng Pax Silica, inilahad ni Oco ang posibleng epekto nito sa komunidad.
“Malaki siya, kailangan mo ng malawak na lugar, [at] sigurado mayro’ng madi-displace dyan. Pangalawa, matakaw sa kuryente,” wika niya.
Ipinaliwanag ni Oco na pinapatakbo ang mga AI data center ng maraming hardware, kabilang ang graphics processing units, networking equipment, switches, at central processing units. Malakas ang konsumo ng tubig upang palamigin ang mga kagamitan na ito.
Iginiit niya na dapat matiyak ng pamahalaan ang responsableng pangangalaga sa mga komunidad at kalikasan bago pahintulutan sa bansa ang naturang proyekto.
Si Oco ay miyembro ng Center for Language Technologies, isang research laboratory sa Pamantasang De La Salle na nakatuon sa pag-aaral ng natural language processing (NLP) o ang teknolohiyang tumutulong sa mga computer na maunawaan ang iba’t ibang wika na ginagamit ng tao.
Siya ay nagsilbing guest editor sa ilang mga publikasyon na nakatuon sa pananaliksik tulad ng Language Resources and Evaluation at Philippine Computing Journal.
May temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” isinagawa ang talakayan noong Agosto 6 bilang simula ng apat na seryeng webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa Buwan ng Wikang Pambansa. Dan Cedric V. Latasa







