ALAM niyo bang may sinaunang kasulatan sa baybayin na itinuturing na pambansang yaman at ngayon ay nasa pangangalaga ng Unibersidad? 

Dahil sa natatanging kahalagahan nito, itinuring ng National Archives of the Philippines (NAP) bilang pambansang yaman pangkultura ang sulat-kamay na dokumentong baybayin.

Pormal na idineklara ang pagkilala noong Agosto 2014 sa ikalawang Conference on Baybayin sa Pambansang Museo, kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Naging ikalima ito sa mga pangunahing yamang pangkultura ng Unibersidad.

Ang dokumentong ito, na matatagpuan sa Archivo de la Universidad de Santo Tomas, ay nagbibigay-daan upang masulyapan ang nakaraan, partikular noong ika-17 siglo, sa Maynila.

Binubuo ang sinaunang sistema ng pagsulat ng 14 na katinig at tatlong patinig na ginamit bago ang pananakop ng mga Kastila. Nahahati ang dokumento sa dalawang bahagi, at kapwa naglalaman ng kasunduan sa pagbebenta ng lupa.

Pagbabalik ng baybayin

Noong Hulyo 2025, sinimulan ng Unibersidad na ipakilala muli ang baybayin sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga pangalan ng kalye sa loob ng kampus sa sinaunang sistema.

Ayon kay Fr. Dexter Austria, O.P., direktor ng Facilities Management Office (FMO), layon ng proyekto na parangalan ang mga ninuno at ipakilala sa kasalukuyang henerasyon ang isa sa mga mahahalagang bahagi ng kulturang Pilipino.

Kasabay nito, naglagay rin ang FMO ng mga karatula sa baybayin sa mga pangunahing pasukan ng Unibersidad, kabilang ang Gate 4 (España) at Gate 10 (Dapitan) May ulat ni Ma. Irish F. Fery

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.