Baybayin sa iOS update, tulay sa mas malawak na usapin ng kultura, wika

0
50

ANG PAGKAKAROON ng Baybayin sa keyboard options ng mga gumagamit ng Apple devices ay puwedeng tulay sa mas malawak na talakayan, ayon sa mga akademiko at tagasulong ng sinaunang sistema ng pagsulat.

“It doesn’t do much to preserve history. What it can do is help push the conversation around culture, value, and how that leads to preservation,” wika ni Kristian Kabuay, na may tatlong taong karanasan sa pagiging Baybayin artist, sa panayam ng Varsitarian. 

“It can also force a conversation about our assumptions on writing, regionalism, and Filipino as the national language,” dagdag pa niya. 

Dagdag pa ni Kabuay, nakasalalay ang tunay preserbasyon ng Baybayin sa pagpapahalaga na makikita sa aktuwal na paggamit ng mga kabataan dito. 

Aniya, makatutulong ang mga digital na plataporma sa pagpapalaganap ng Baybayin ngunit hindi awtomatikong mapapangalagaan ang kasaysayan nito hangga’t hindi natutugunan ang mga ugat na panlipunan at pampulitika.

“Whether it’s websites, social media, apps, they help a little, but having a reckoning of the socio‑political system is much more critical,” wika ni Kabuay.

Iginiit ng Baybayin artist na limitado ang magiging saklaw ng update dahil sa maliit na populasyon ng iOS users sa bansa.

Batay sa datos ng Statcounter Global Stats mula Hulyo 2025 hanggang Hulyo 2026, nangunguna ang Android sa smartphone operating system market sa Pilipinas na may 87.67% market share, kumpara sa 12.32% ng iOS. 

Ayon kay Jose Enage, tagapangulo ng grupong Baybayin Buhayin, makatutulong ang bagong tampok sa pagpapakilala ng Baybayin ngunit maaaring malimitahan ang paglaganap dahil eksklusibo ito sa operating system ng Apple.

“Kung mas mapalaganap sa Gen Z, dapat gawin [itong] buong bukas sa lahat ng tao at ‘di lang sa iPhone,” giit ni Enage.

Inihayag ni Prop. Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, na hindi sapat ang ganitong hakbang kung hindi itinuturo ang wastong paggamit ng Baybayin.

“Dapat ituro kung paano gamitin kasi iba siya. So ito bang software ay may kasamang tutorial on how to write? Kasi mayro’n siyang sarili niyang system hindi lang siya basta writing template na alam mo,” aniya. 

Naniniwala si Fajilan na may hatid na pagkilala sa internasyonal na antas ang pagiging bahagi ng Baybayin sa operating system ng iOS at posibleng makonsidera bilang active writing system sa halip na manatili bilang sinaunang sistema.

“Natutuwa tayo kasi sumasabay tayo sa panahon, nabibigyan ng pansin ‘yong mga ganitong cultural heritage natin at mas nagkakaroon ng oportunidad para mas maraming makagamit ng ating ancient writing system,” wika niya.

Nakatakdang ilabas ng Apple ang bagong tampok sa Setyembre bilang bahagi ng iOS update. Inihayag ito sa Worldwide Developers Conference 2026 noong Hunyo. Sa paglabas ng update, maaari nang magpadala ng messages gamit ang Baybayin. 

Noong Hulyo, inilunsad ng App Store ang language-learning app na Baybayin Ancient Script na available para sa iPhone at iPad.

Nakatuon ang app sa pagsasanay sa pagsusulat, pagsasalin at pagbigkas ng sinaunang sistema ng pagsulat. 

Nakasaad sa House Bill 1022 o ang National Writing System Act ang layong pagkilala sa Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat, na inaprubahan sa Kongreso noong 2018.

Noong Mayo, naaprubahan sa third o final reading ng mababang kapulungan ng Kongreso ang Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems Act. 

Layunin ng panukalang batas na isama sa edukasyon ang pagtuturo ng mga sinauna at katutubong sistema ng pagsulat, kabilang ang Baybayin. James Maverick R. Talavera

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.