MULA “bembang” at “danas” hanggang “slay” at “barbie,” nagkakaroon ng semantic shift dahil sa social media, pop culture, likas na katatawanan ng mga Pilipino, at malikhaing pananalita ng mga kabataan.
Bakit dapat basahin ito: May bagong trend: ang mabilis na pagbabago ng kahulugan ng ilang salita, na minsan ay malayo na sa dating ibig sabihin nito.
- Lantad sa pagbabagong ito ang values, humor, at karanasan ng henerasyon, na maaari namang pagmulan ng misunderstanding sa pagitan ng mga bata at nakatatanda.
- Isa pa, humuhubog ang mga pagbabagong ito sa pampublikong diskurso, lalo na sa pulitika at kultura.
Ilang halimbawa: Ang salitang “bembang,” mula sa onomatopoeic na ugnay sa sermon o galit ng magulang o sinomang nakatatanda, naging seksuwal dahil sa innuendo. May iba pa:
- “Danas”: Ayon sa diksyunaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino, ito ay ang “pagkakatikim ng katawan, isip, diwa…” Ngayon, naging ekspresyon ng bigat ng karanasan. Impluwensya na rin ng isang video sa TikTok.
- “Slay”: Dati sa balita, ang rape-slay ay may pagpatay, ngunit ngayon ay papuri na (“angas/galing”).
- “Barbie”: Mula sa isang viral video, naging pang-aasar ito sa lalaking may pinapakitang feminine side, na nire-reclaim naman bilang pahayag ng identidad: “Ano naman kung barbie?”
Ayon sa eksperto: Itinuturing ni Christopher Bryan Concha, isang associate lecturer ng De La Salle University, na bahagi ng semantic shift ang pagbabagong ito — isang penomenang nakaugat sa mabilis na palitan ng impormasyon at sumasalamin sa nagbabagong kultura at pananaw ng kabataan.
- “Marami [sa mga] nauusong salita ay may popular culture reference. Maaaring nabanggit [ang mga ito] ng isang popular na tao, or naging meme na mula sa isang sikat na palabas,” ani Concha sa isang panayam sa Varsitarian.
- “May estudyante akong nagsabing ‘slay’ sa kaniyang professor bilang compliment, pero inakala nitong insulto,” aniya.
Palalimin pa natin: Hindi lang libangan ito kundi repleksyon ng sosyo-pulitikal na usapin.
- Sa isang proyekto ng klase ni Concha, kung saan kailangang balikan ang orihinal na kahulugan ng mga salita, maraming estudyante ang pumili ng mga terminong may pulitikal na konteksto: “budget insertion,” “flood-control project,” “nepobaby.”
- “Maaari rin natin siyang matawag bilang cultural marker—isa siyang pahiwatig kung ano ‘yong pinapahalagahan, ano ‘yong kind of humor, or ano ‘yong experience ng kabataan o ng mga tao for that particular generation,” dagdag ni Concha.
Oo, pero: May kapalit ang bilis. Lumalabo ang dating kahulugan at nalilihis ang gamit lalo kung wala na sa tamang konteksto.
- Lumalalim din ang generational gap kapag hindi maipaliwanag sa nakatatanda ang bagong pakahulugan.
- “Mahalaga pa rin na balikan natin ‘yong historikal at kasaysayan ng mga salitang ito para hindi tuluyang mawala ‘yong koneksyon ng nakaraan sa kasalukuyan,” ani Concha.
- “Kung magiging tuloy-tuloy ‘yong bilis ng pagbabago din sa ating kultura, especially sa digital age, social media trends, asahan natin na mas magiging fluid pa at dynamic ‘yong paggamit natin ng wika or paggamit ng mga susunod na henerasyon dito,” dagdag pa niya.
Sa madaling salita: Habang umiigting ang digital trends, lalong fluid at dynamic ang wika, at nagbabago ito kasabay ng pop culture, meme, fandom, at maging ng galaw ng politika.
- May pag-alaala pa rin dapat sa pinagmulan, para hindi maputol ang koneksyon ng nakaraan sa kasalukuyan, kahit ang salita ay kasing tapang ng: “E ano naman kung barbie?”







