KINUWESTIYON ng mga akademiko at manunulat ang desisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gawaran ng parangal ang ilan sa mga sarili nitong komisyoner ngayong taon.
Ibinibigay ang “Kampeon ng Wika,” isang taunang parangal ng KWF, sa mga indibidwal, institusyon, at samahan na nakapag-ambag sa pagtataguyod, pagpapaunlad at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa Filipinas sa iba’t ibang larangan.
Ayon sa manunulat at dating KWF commissioner na si Jerry Gracio, “nakakahiya” at “buhat-bangko” ang ginawang ito ng komisiyon.
“Parang ako ang nahiya. ‘Di ba kapag may isang bagay na nakakahiya, pagkatapos hindi aware ang mga tao, walang malay ang mga tao na nakakahiya ang ginagawa nila—ikaw ang nahihiya para sa kanila. Nakakahiya ang ginagawa nila,” ani Gracio sa panayam ng Varsitarian.
Kasama sa mga tatanggap ng pagkilala sa ika-27 ng Agosto sa KWF Gabi ng Parangal sina Carmelita Abdurahman, komisyoner para sa wikang Samar-Leyte, na tagapangasiwa ng programa at proyekto sa KWF, at si Benjamin Mendillo Jr., komisyoner para sa wikang Ilokano at namamahala ng pangasiwaan at pananalapi.
Kasama rin sina Alain Russ Dimzon, komisyoner para sa wikang Hiligaynon; Christian Aguado, komisyoner para sa mga wika ng katimugang pamayanang kultural; Reggie Cruz, komisyoner para sa wikang Kapampangan; at Evelyn Oliquino, komisyoner para sa wikang Bikol.
Ibinahagi ni Joselito Delos Reyes, tagapangulo ng UST Department of Creative Writing, na nabigla at nagtaka siya nang makita ang anunsiyo ng KWF sa opisyal nitong Facebook page noong ika-18 ng Agosto.
“Baka biro lang,” ani Delos Reyes sa isang email interview. “Hinintay ko ngang tanggalin nila ang announcement sa social media. Pero habang isinusulat ko ito, Agosto 19 (Birthday ni Quezon, ang ama ng wikang pambansa, the serendipity ha!) alas-sais ng umaga, naroon pa rin.”
Gayunpaman, sinabi ni Delos Reyes na bagaman walang tahasang pagbabawal sa parangal sa mga opisyal ng KWF, hindi ito nangangahulugang dapat nila itong gawin.
Giit ni Gracio na malinaw ang pamantayan para sa Kampeon ng Wika na nilikha noong bahagi pa siya ng komisyon.
Dumaraan sa proseso ng nominasiyon na magmumula sa rekomendasiyon ng indibidwal o pangkat ang naturang parangal.
Kabilang sa nominado ang mga indibidwal na hindi bababa sa 40 taong gulang, at ang mga samahan, tanggapan, ahensiyang pampamahalaan, at pribadong sektor na naitatag nang hindi bababa sa limang taon.
“[K]ahit ano pa ang sabihin, in bad taste kapag binigyan mo ng award ang sarili, gamit ang pondo at resources ng gobyerno,” wika ni Gracio sa kaniyang Facebook post noong ika-19 ng Agosto.
“Kasi, sino magbibigay ng award sa sarili mo? Ikaw. Sino pipirma sa award mo? Ikaw. Sino kakamay sa ‘yo? Ikaw. Sino magsasabi sa iyong magaling ka? Ikaw,” aniya.
Para kay Tonyo Cruz, kolumnista ng pahayagang Manila Bulletin, maraming indibidwal at institusyong patuloy na gumagamit, nagtuturo, nagpapalaganap at nagsusulong ng mga wika sa bansa ang maaaring bigyan ng parangal.
“Ang pagtanggap ng nominasyon at karangalan mula sa sariling ahensya na pinamamahalaan nila ay lantarang paglapastangan sa diwa ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees,” ani Cruz.
Kabilang sa mga binanggit niya sina Kara Patria David ng GMA News at ang propesor ng Filipino sa University of California Berkeley na si Joi Barrios-Leblanc.
Isinama rin ni Cruz ang aniya’y gumagamit ng Filipino sa mga desisyon ng hukuman, kabilang sina Associate Justice Apolinario Bruselas Jr. at Associate Justice Maria Filomena Singh.
Iminungkahi rin niyang kilalanin ang Benilde School of Deaf Education and Applied Studies dahil sa pagtataguyod nito ng Filipino Sign Language, gayundin ang International Criminal Court dahil sa paghirang nito ng mga opisyal na tagasalin sa Filipino at Cebuano para sa paglilitis sa dating pangulo.
Sa mga nagdaang taon, iginawad ang parangal sa mga Pambansang Alagad ng Sining, akademiko, at mga organisasyong pangwika.
Ilan sa mga Tomasinong kinilala bilang Kampeon ng Wika ay sina Michael Coroza, premyadong manunulat at dating patnugot ng Varsitarian; Professor Emeritus Fortunato Sevilla na kilala sa paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik at pagtuturo ng agham, at Rev. Fr. Wilmer Joseph Tria, pangalawang pangulo ng Catholic Educational Association of the Philippines.
Kontrobersiya ng ahensya
Bilang dating komisyoner at dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa ilang empleyado ng KWF, inihayag ni Gracio na humaharap sa “krisis” ang komisyon, partikular sa pamumuno nito.
Tinukoy niya ang kontrobersiya noong 2022 nang umano’y tawaging subersibo ang ilang aklat ng mga manunulat na Filipino na inilathala ng KWF.
Binanggit din niya ang pagkakatalaga ni Pangulong Marcos Jr. sa abogadong si Marites Barrios-Taran bilang bagong tagapangulo at komisyoner para sa wikang Tagalog nitong nakaraang taon.
BASAHIN DITO: https://varsitarian.net/pagtatalaga-ng-bagong-kwf-chair-binatikos-ng-mga-akademikot-samahang-pangwika/
Aniya, nakaaapekto sa moral ng mga empleyado ang mga problemang ito sa pamumuno.
Sa kabila ng mga kontrobersiya, sinabi ni Delos Reyes na may mga institusyon pa ring kumikilala sa mandato ng KWF.
Ayon sa kanya, mahalaga pa rin ang validation ng KWF sa mga pagsisikap ng ilang state universities and colleges (SUCs) na pag-aralan ang mga wikang Filipino, habang ipinagpapatuloy ang mga programang tulad ng patimpalak pampanitikan.
Ilan sa mga inoorganisa ng komisiyon ang Talaang Ginto: Makata ng Taon, Tula Táyo, Timpalak sa Tulang Senyas, at Gawad KWF sa Sanaysay, kung saan kinikilalang kalahok ang mga manunulat mula sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas.
“Time to revisit KWF’s reason for existence,” wika ni Delos Reyes sa panayam ng Varsitarian.
“Baka kasi ang mga ginagawa ng KWF (puwera ang bulto-bultong kontrobersiya ng ahensya, bigyan ba naman ng award ang isa’t isa) ay kaya nang gawin ng naglipanang state universities at ng iba pang higher education institution sa bansa,” aniya.
Iminungkahi niyang ilipat ang ilan sa pondo, trabaho, at personnel ng KWF sa mga pampublikong unibersidad o gawing grant para sa mga pribadong unibersidad na may matibay na track record sa pananaliksik ng wika at kultura. J. M. R. Talavera







