ITINAMPOK sa dokumentaryong “Ang Pamilya Sicat” ang buhay at pamana ng manunulat na si Rogelio Sicat, isa sa mga haligi ng panitikang Filipino.
Si Sicat ang may-akda ng “Impeng Negro,” kuwentong tumalakay sa diskriminasyon na nagwagi ng ikalawang gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards at unang gantimpala sa patimpalak ng Liwayway magazine noong 1962.
Kabilang din sa kaniyang mga obra ang “Tata Selo,” “Dugo sa Bukang-Liwayway,” “Pagsalunga: Piniling Kuwento at Sanaysay,” at ang dulang “Moses, Moses.”
Nagtapos siya ng journalism sa Unibersidad kung saan naging patnugot siya ng seksiyong panitikan ng Varsitarian. Kalaunan, nagsilbi siyang dekano ng College of Arts and Letters sa University of the Philippines.
Sa loob ng 46 minuto, muling ipinakilala si Sicat sa pamamagitan ng mga lumang larawan, salaysay ng pamilya, at testimonya ng mga estudyante’t manunulat na humanga sa kaniyang panulat.
Binuksan ang dokumentaryo sa paglalarawan ng anak niyang si Luna Sicat Cleto, guro at manunulat, sa silid kung saan isinilang ang mga akda ng kaniyang ama.
Linear ang daloy ng dokumentaryo: nagsimula sa pagtalakay kay Sicat bilang ama, bago lumipat sa kaniyang papel bilang guro at huwarang manunulat na hinangaan ng maraming mag-aaral.
Ipinakita rin ang kaniyang paggamit ng wikang Filipino upang isalaysay ang danas ng mga ordinaryong Pilipino, at ang kaniyang pagtalikod sa mga paksa’t kumbensyong nakaugat sa kanluraning kaisipan.
Para kay Christian Joze Ason, mag-aaral at manunulat, madaling lapitan ang mga akda ni Sicat dahil sa payak na wika nito.
“Mas madaling intindihin, mas madaling unawain. Kahit sino, pwedeng basahin ang mga kuwento niya,” aniya.
Ibinahagi naman ni Mikka Cabangon, Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2023, na ang “Tata Selo” ay malapit sa kaniyang kinalakihang wika sa probinsya, dahilan upang maramdaman niya ang personal na sensibilidad ng manunulat.
Gumamit ang dokumentaryo ng warm tones upang maghatid ng damdaming nostalgia at pagbabalik-tanaw.
Pinahusay din ng editing at visual language ang mensahe na ang panitikan ay hindi lamang binabasa kundi isinasabuhay at ipinapasa mula sa isang henerasyon tungo sa susunod.
Bagaman malinaw ang direksyon ng pelikula, maaaring hindi agad maunawaan ng ilang manonood na hindi pamilyar kay Sicat ang lawak ng kaniyang ambag, dahil hindi ito agad ipinaliwanag sa simula.
Gayunpaman, matagumpay pa rin nitong nailahad ang personal at propesyonal na aspekto ng kaniyang buhay.
Inilabas ang “Ang Pamilya Sicat” ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing bilang bahagi ng paggunita sa Buwan ng Wika.
Bilang bahagi ng seryeng “Akdang Dokyu,” layon nitong itampok ang mga yumaong manunulat sa Pilipinas at ipakita ang kahalagahan ng kanilang mga obra sa kasaysayan at kultura.







