BINIGYANG-DIIN ng abogado at manunulat na si Rolando Bernales ang malinaw na pagkakaiba ng dagli at maikling kuwento, at pinabulaanan ang paniniwalang ang dagli ay pinaikling bersiyon lamang ng tradisyonal na naratibo.
Sa isang lektura, ipinaliwanag ni Bernales na naiiba ang dagli sa haba at paraan ng paglalahad ng pangyayari.
“Ang dagli ay tinatawag na flash fiction, fiction in a flash, sudden fiction, o short short stories, microfiction, o microstories in English,” wika niya sa lektura.
Ayon sa kanya, siksik at nakatuon sa iisang sandali o pangyayari ang dagli, na karaniwang hindi lalampas sa 2,000 salita.
Bawat pangungusap, aniya, ay may mahalagang papel sa pagsulong ng kuwento, na madalas nagsisimula sa isang aksiyon, tagpo, o tunggalian at may kaunti o halos walang backstory ang mga tauhan.
“A short story tells a tale, while a flash fiction offers a momentary glimpse that implies a larger story,” dagdag niya.
Samantala, mas mahaba at mas detalyado ang maikling kuwento, na may malinaw na banghay na binubuo ng exposition, rising action, climax, falling action, at resolusyon, at karaniwang may haba na 1,000 hanggang 10,000 salita.
Binibigyang-daan nito ang mas masusing paglinang ng karakter at pagsusuri kung paano at bakit nagbabago ang tauhan.
“Sa short story, may espasyo for character growth. Sa flash fiction, usually one or two characters lang, defined by a single action or intense emotional state,” paliwanag ni Bernales.
Sa panayam ng Varsitarian, iginiit niya na mahalagang katangian ng dagli ang kakayahang maghatid ng masinsing ideya sa limitadong espasyo.
“Ang pinakamagandang nagagawa ng dagli is that a writer is able to tell a lot in a limited, short piece of work,” aniya.
Binanggit din ni Bernales na noong unang bahagi ng 1900s, ginamit ang dagli bilang filler sa mga bakanteng espasyo ng ilang pahayagang Tagalog.
Kabilang sa mga makabagong ambag sa pag-aaral ng anyong ito ang aklat na “Ang Dagling Tagalog,” na pinatnugutan nina Rolando Tolentino at Aristotle Atienza ng Ateneo de Manila University.
Si Bernales, na nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Awards para sa maikling kuwento, ang may-akda ng “Ayuda: Mga Akda sa Gitna ng Quarantine,” koleksiyon ng mga dagli na inilathala ng UST Publishing House noong 2024, na tumatalakay sa pagtitiis ng mga Pilipino sa gitna ng kawalan ng pag-asa, katiyakan, at matitinding pagsubok.
Idinaos ang lektura na pinamagatang “Sa Pagitan ng Dagli” ng UST MaKatha Circle bilang bahagi ng MaKathAklatan Author Series noong Marso 7. May ulat ni John Kobe S. Balod







