INUMAN at panitikan. Iyan ang magkasanggang inspirasyon ng premyadong makata na si Teo Antonio sa pagbuo ng kaniyang pinakabagong koleksyon ng mga tula.
Pinamagatang “Sa Puso ng Madla,” ang dalawang tomong antolohiya ng mga piling tula ni Antonio mula 1973 hanggang 2005, ay sumasalamin sa iba’t ibang yugto ng kaniyang buhay at malikhaing paghubog bilang makata.
“Hilig ko lang talagang gumawa ng tula. Hanggang nararanasan [ko], naiipon minsan,” wika ni Antonio sa isang panayam sa Varsitarian.
Ayon kay Roberto Añonuevo, makata at dating direktor heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino, bahagi ng disiplina ni Antonio ang pagtula sa gitna ng inuman — isang mini-workshop kung saan nagkakaroon ng malalim na talakayan sa sining, wika at lipunan.
“Hindi ito (‘Sa Puso ng Madla’) lalabas kay Teo kung hindi ‘yan malakas uminom,” ani Añonuevo sa panayam ng Varsitarian.
Dagdag ni Añonuevo, malaking ambag ni Antonio ang pagpapatuloy at pagpapaunlad ng tradisyong pampanulaan sa bansa sa pamamagitan ng malikhaing paggamit ng mga alusyon mula sa mitolohiya at kasaysayan upang “i-reimagine ang Pilipinas.”
Para kay Vim Nadera, dating punong patnugot ng Varsitarian, si Antonio ay isang folk poet na kayang ibaba ang wika nang hindi nawawala ang lalim ng mensahe.
“Mayroon siyang alam sa tradisyonal na pagtula, at mayroon din siyang makabagong paraan ng pagtula,” wika ni Nadera.
Ibinahagi ni Nadera na si Antonio ang nagtanggol sa kaniyang tula sa isang patimpalak noong 1985, isang pagkakataong nagbukas sa kaniya ng mga bagong oportunidad sa panitikan, kabilang ang pagkakatatag ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA).
Inalala naman ni Joselito delos Reyes, tagapangulo ng UST Creative Writing Department at may-akda ng “Finding Teo,” na higit pa sa sining ng pagtula ang kaniyang natutuhan kay Antonio.
“Si Teo ‘yong pinaka-accommodating. Siya ‘yong … pagkatapos mag-aral ng tula, mag-aayang uminom,” wika ni delos Reyes sa Varsitarian.
“Natutuhan ko sa kanya hindi lang pagtula, kundi kung paano harapin ‘yong buhay. Any aspiring poet in Filipino should encounter Teo’s work, if not the person himself.”
Binanggit din ni delos Reyes na maraming aklat ni Antonio ang matagal nang out of print, kaya’t ang Sa Puso ng Madla ay nagsisilbing compendium ng kaniyang mga piling tula. Dagdag pa niya, may mga paparating pang kolum na patula mula sa makata, na magpapatuloy sa pagpapayabong ng panitikang Pilipino.
Aminado si Antonio na hindi madaling makapagpalathala ng libro sa bansa, lalo na para sa mga manunulat na hindi pa kilala.
“Hindi lahat pinagpapala na magkaroon ng aklat dahil hindi lahat naman e may katangian ng mahusay na manunulat,” aniya.
“Kung hindi sakripisyo, may paniniwala sa kanyang sarili — may paninindigan, may pinaglalaban para sa lipunang kanyang ginagalawan,” dagdag pa ni Antonio.
Nagwagi si Antonio sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1973, 1975, 1976, 1986, at 1988, sa kategoryang tula.
Kabilang sa kaniyang mga tanyag na akda ang “Panahon ng Pagpuksa at Iba pang Pakikidigma,” na ginawaran ng pinakamataas na parangal noong 1986 dahil sa temang politikal na tumatalima sa kilusang nagpatalsik sa rehimeng Marcos.
Sa kaniyang pangwakas na pananalita, hinikayat ni Antonio ang mga kabataang manunulat na manatiling tapat sa sining at sa bayan.
“Mahirap magmahal sa bayan. Hindi ka tatanggapin kung hindi ka rin marunong magmahal. Pero kung marunong ka, pagpalain tayong lahat,” aniya.
Idinaos ang paglulunsad ng “Sa Puso ng Madla” sa Oblation Lounge, University Hotel, UP Diliman, noong Okt. 22, katuwang ang LIRA. May ulat ni Louisse Raye Shara C. Santos







