TINULIGSA ng dating kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) ang sistematikong manipulasyon sa pambansang budget, na nagiging instrumento ng malawakang pandarambong dahil sa kakulangan ng pananagutan sa pamahalaan.
Iginiit ni Florencio “Butch” Abad, propesor sa Ateneo School of Government, na nakaugat ang tinawag niyang “arkitektura ng korupsiyon” sa manipulasyon ng proseso ng pagbuo ng budget bago pa ito mailabas.
“When theft is largely sustained and this methodical, it stops being corruption. It becomes architecture,” wika ni Abad sa isang lektura. “Architecture, because this corruption was not incidental nor opportunistic, it was designed.”
Ayon kay Abad, nagiging pampulitikang leverage ang ganitong estruktural na kontrol sa pondo ng pamahalaan, kung saan ginagamit ang budget upang gantimpalaan ang mga sumasang-ayon at parusahan ang mga tumututol.
Tinukoy niya na mula 2023 hanggang 2025, humigit-kumulang P1.45 trilyon ang binawas at ibinalik sa pambansang budget matapos maaprubahan sa parehong kapulungan ng Kongreso.
Aniya, kadalasang nagkakaroon ang malalaking pagbabago, pagbabawas, at relokasyon ng pondo sa huling yugto ng bicameral conference, kung saan limitado ang pagsusuri ng publiko.
Sa bicameral conference committee, tanging mga piling kinatawan ng Senado at mababang kapulungan ng Kongreso ang naguusap, at sarado ito sa publiko.
“Rules remain on paper, but independence erodes in practice. This is how budgetary discretion evolves into a structural capture,” ani Abad.
Dagdag niya, naging mas malinaw ang epekto ng sistemang ito nang mabawasan ang subsidiya sa serbisyong pangkalusugan, na agad umani ng pagbatikos mula sa iba’t ibang sektor.
Binigyang-diin ni Abad na hindi sapat ang paglalantad lamang ng mga anomalya sa budget.
“Kailangan, unang-una, panagutin ang nagkasala. Accountability ang number one. Kasi kung ang mga may kagagawan nito ay patuloy na maglilingkod sa gobyerno, walang mangyayari satin,” saad ni Abad sa panayam ng Varsitarian.
Hinimok niya ang kabataan na panatilihing buhay ang usapin ng katiwalian upang mapanagot ang mga sangkot sa pag-abuso sa kaban ng bayan.
“Napakahalaga na, una, maging mulat [ang kabataan] rito, at pangalawa, sumama [sila] sa kilusan para panagutin natin lahat ang nag-abuso sa kaban ng bayan,” wika niya sa Varsitarian.
Inihalintulad ni Abad ang kasalukuyang sitwasyon sa diwa ng EDSA People Power Revolution I, na nagpapaalala umano sa kakayahan ng mga mamamayan na manindigan laban sa mali, gaya ng pagpapatalsik sa diktadurya ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Noong 2004, itinalaga si Abad bilang kalihim ng edukasyon sa ilalim ng pamahalaan ni Gloria Macapagal-Arroyo. Mula 2010 hanggang 2016, nagsilbi siyang kalihim ng DBM.
Pinamagatang “From Crisis to Courage: Rising Beyond the Budget Plunder,” bahagi ang lektura ng Adrian E. Cristóbal Lecture Series.
Inorganisa ito ng pamilyang Cristóbal sa pakikipagtulungan sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.
Ginanap ang lektura noong Peb. 20 sa Tanghalang Teresita Quirino ng Benavides Building. May ulat ni Charlize Ann D. Lavastida







