KINUWESTYON ng dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at komisyoner para sa wikang Tagalog na si Arthur Casanova ang pagtatalaga sa abogadong si Marites Barrios-Taran bilang pinuno ng ahensya.

Sa isang media forum, nilinaw ni Casanova na siya ay nagbitiw sa posisyon bilang tagapangulo noong Mayo 2025 bilang tugon sa hiling ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maghain ng courtesy resignation ang lahat ng appointees.

“Ako po ay nagresign bilang head of the agency—bilang head ng KWF noong Mayo 2025. Ngunit noong ika-5 ng Agosto ng taong ito ay nakatanggap ako ng liham mula  sa opisina ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nakasaad na ang akin pong courtesy resignation ay tinanggap ng ating Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. at nakasaad po doon na ako ay pinapalitan na ni Marites Barrios-Taran,” paliwanag ni Casanova. 

Nakasaad din umano sa appointment paper na si Taran ay itinalagang komisyoner ng Tagalog kapalit ni Casanova. 

“Ngayon ang question [ko] bakit po nagtalaga ng komisyoner para sa wikang Tagalog gayong ako naman ay hindi nagbitiw o nag-resign bilang komisyoner na kumakatawan sa wikang Tagalog?” wika ni Casanova.

Giit ni Casanova, hindi maaaring ituring na bakante ang posisyon dahil ang kanyang pagbibitiw  ay tumutukoy lamang sa pagiging tagapangulo ng KWF at hindi sa pagiging kinatawan ng wikang Tagalog, kung saan nakatakdang matapos ang kanyang termino sa 2027. 

Bukod dito, binigyang-diin niyang hindi dumaan sa tamang proseso ang pagkakatalaga kay Taran.

“Ang pagiging full-time commissioner po na kakatawan sa isang wika at ang pagiging tagapangulo o chairman ng Komisyon sa Wikang Filipino ay may mga requisitos o requirements na nakasaad sa ating Republic Act 7104,” wika ni Casanova. 

Nakasaad sa Republic Act 7104 na ang pagtatalaga ng mga komisyoner ay dapat nagmumula sa rekomendasyon ng mga organisasyon o institusyong pangwika.

“[Si] Atty. Marites Barrios-Taran ay isang CPA lawyer at sa pagkakabatid ng marami wala talaga siyang tiyak na background sa larangan ng wika [at] panitikan,” dagdag pa ni Casanova.

Si Casanova, na pinarangalan bilang Metrobank Outstanding Teacher, ay nagsilbi ring kawaksing propesor sa Departamento ng Filipino ng Unibersidad.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang dating opisyal ng KWF na si Aurora Batnag, na nagsabing matagal nang “nasasagasaan” ang wika sa mga maling polisiya at proseso ng pamahalaan.

Kaugnay nito, inilabas ng grupong Tanggol Wika ang isang bukas na liham na nananawagan sa pangulo na bawiin ang appointment ni Barrios-Taran.

Ayon kay David Michael San Juan, isa sa mga tagapagtatag ng organisasyon, mahigit 250 katao na ang lumagda sa liham na planong ipadala sa Office of the Executive Secretary, Commission on Appointments, House Committee on Basic Education and Culture, at Senate Committee on Culture and the Arts.

Ang forum na may temang “Media Forum ng mga Stakeholder Hinggil sa Isyu ng Bagong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino,” ay dinaluhan ng mga kinatawan ng mga samahang pangwika, akademiko, lingguwista, at iskolar. Jamiebeth P. Ortega

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.