(Dibuho ni Allana Elaine J. Libunao/ The Varsitarian)

PINARANGALAN ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ngayong taon ang alumnus ng UST journalism program at dating manunulat ng Varsitarian na si Jose Wendell Capili. 

Ayon kay Capili, isang propesor ng literatura sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman, kalakip ng parangal ang pananagutan sa pagpapatuloy ng tradisyong pampanitikan.

“Ang parangal na ito ay hindi lamang pagkilala sa aking paglalayag kundi isang paalala ng responsibilidad,” wika ni Capili sa isang panayam ng Varsitarian

“Simbolo ito ng pagpapatuloy ng tradisyong pampanitikan na nag-uugnay sa ating nakaraan at sa kasalukuyang henerasyon,” dagdag pa niya.

Umiikot ang kaniyang mga sanaysay at tula sa personal na alaala na iniuugnay sa kasaysayan at bayan, gayundin sa konsepto ng diaspora, partikular sa karanasan ng mga migranteng Pilipino.

Kabilang sa kanyang mga akda ang “Migrations and Mediations: The Emergence of Southeast Asian Diaspora Writers in Australia, 1972-2007,” inilathala ng UP Press noong 2016, na tumatalakay sa mga akda ng taga-Timog Silangang Asya sa Australia.

“Ang panitikan ay nagsisilbing salamin at budhi ng lipunan,” ani Capili, na naglarawan dito bilang isang anyo ng “archival recovery” na nagbibigay ng konteksto sa mga isyung panlipunan.

Ang unang koleksiyon ni Capili ay pinamagatang “A Madness of Birds,” na nagtatampok ng mga tulang nasa Ingles at Filipino at tumatalakay sa kalikasan, alaala, at pagkakakilanlan.

Ibinahagi ni Capili na isa sa mga mahahalagang aral na natutuhan niya bilang manunulat ang disiplina ng tiyaga at katapatan sa akdang isinasalaysay.

“Natutuhan ko ring mahalaga ang pakikinig sa boses ng iba upang mas linangin pa ang sariling tinig,” wika niya.

Hinimok niya ang mga kabataan na gamitin ang talino upang palawakin ang saklaw ng panitikan at gawing mas inklusibo at pandaigdigan ang sining.

Ang iba pa sa mga akda ni Capili ay ang “Bloom and Memory: Essays on Literature, Culture and Society,” na inilimbag ng UST Publishing House noong 2002, at “Salu-salo: In Conversation with Filipino-Australian Writers,” na inilimbag ng Casula Powerhouse and Blacktown Arts Centre noong 2008. 

Ilang beses na ring naging hurado si Capili sa Gawad Ustetika, ang pinakamatagal na patimpalak pampanitikan na pang-kampus sa bansa na iginagawad ng Varsitarian.

Si Capili ang tagapangulo ng Commission on Higher Education Technical Panel for Literature. 

Naging member at large siya ng National Research Council of the Philippines, isa sa mga pinaka-prestihiyosong posisyon sa pananaliksik sa bansa.

Nagsimula noong 1988 ang paggawad ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas o Umpil  ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, isang lifetime achievement award para sa mga manunulat na may natatanging ambag sa panitikang Pilipino.

Nakatakdang idaos ang paggawad sa ika-25 ng Abril sa University of the Philippines sa Baguio.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.