NAKAMIT ng dating Olympian na si Jethro “The Jet” Dionisio ang kampeonato sa ika-12 Demetrio “Bolo” Tuason Cup na ginanap sa Arms Corporation of the Philippines shooting range sa Marikina noong Hulyo 12 hanggang 15.
Ang nasabing kompetisyon na itinakdang “Level 3” na laro ng International Practical Shooting Confederation at ng Philippine Practical Shooting Association ay nilahukan ng hindi bababa sa 500 na manlalaro. Mapapabilang ang mga nanalo sa Philippine Team na sasabak sa Australasia 2013 Championships sa New Zealand.
“Isa ang Bolo Cup sa mga pinakamahihirap na nasalihan ko, marami ang mga target na gumagalaw at ang aking mga kalaban ay kapuwa magagaling din,” ani Dionisio na nagtapos ng kursong Ekonomiko sa UST.
Pinarangalan si Dionisio ng Gun Games Magazine bilang “pinakamabilis na steel shooter sa buong kasaysayan” matapos maiuwi ang anim niyang sunud-sunod na mga titulo sa dalawang magkaibang paligsahan.
Si Dionisio lamang ang kaisa-isang non-American shooter na nakapasok sa “elite circle of world-class shooting champions” na kinabibilangan nina Rob Leatham, Jerry Barnhart, Doug Koenig, Micky Fowler, at John Pride. HEDRIX AR-AR C. CABALLE






