TINANGGIHAN ng tagapangulo ng Department of Creative Writing ng University of Santo Tomas ang panawagang magsumite ng aplikasyon para maging susunod na pangulo ng Pamantasan ng Lungsod Valenzuela (PLV).
Umani ng suporta mula sa alumni ng lokal na pamantasan ang open letter na nanawagan kay Prop. Joselito delos Reyes na pamunuan ang PLV sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng pamantasan.
Nilinaw rin ni delos Reyes na hindi isinulat ng makatang si Jerry Grácio ang open letter, taliwas sa mga hinalang lumaganap online.
Ayon sa kanya, malinaw sa caption ng post na nagmula ito sa alumni, at kung si Grácio umano ang sumulat ay direkta na sana siyang kinausap nito.
Sa panayam ng Varsitarian, binigyang-konteksto ni delos Reyes ang panawagan sa gitna ng mga pangyayari sa PLV nitong mga nakaraang buwan.
Kabilang dito ang mga reklamo sa National Service Training Program (NSTP), umano’y sapilitang paniningil, harassment, at mga ulat ng “red-tagging.”
Dahil dito, nanawagan ng imbestigasyon ang ilang chairperson ng Sangguniang Kabataan at mga organisasyong kabataan sa Valenzuela, na humantong sa diyalogo kasama ang punong lungsod.
Kalaunan, nasuspinde ang isang gurong inireklamo at naglabas ang pamantasan ng panawagan para sa aplikasyon ng bagong president noong Disyembre.
“At any rate, maganda ‘yon, magandang balita na may opportunity for others to serve as president,” ani delos Reyes.
“Dahil active ako sa Valenzuela, parang may naging usap-usapan na bakit hindi ako ‘yong mag-apply,” wika niya.
Ibinahagi ni delos Reyes na bago pumasok sa akademya, nagsilbi siya sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela.
Noong 2003, ginawaran siya ng Dr. Pio Valenzuela Memorial Outstanding Citizen Award bilang pagkilala sa kanyang mga ambag sa lungsod.
Nanalo si delos Reyes ng National Book Award for Nonfiction Prose in Filipino para sa kaniyang akdang “Finding Teo: Tula/Talambuhay” noong 2019, na umani ng pagbati mula sa lungsod.
Bagaman bukas umano siya sa iba’t ibang oportunidad, iginiit ni delos Reyes na kailangang timbangin ang personal na konsiderasyon, kabilang ang pamilya at propesyon.
Sa kanyang kolum sa Rappler, binigyang-diin niya na “sistema” at “kabuhayan” ang dalawang pangunahing konsiderasyong hindi niya kayang isakripisyo.Aniya, maaapektuhan din ang prayoridad ng pamilya, partikular ang pag-aaral ng kanyang anak sa College of Accountancy sa UST.
Bagaman pinili niyang huwag munang mag-apply bilang pangulo, iginiit ni delos Reyes na nananatili ang kanyang kahandaang tumulong sa lungsod ng Valenzuela.
“Kung bibigyan ako ng huling sampung taon para mag-instill ng pagbabago, ano pa ba ang kaya kong gawin? So nananatili sa akin ‘yon,” wika ni delos Reyes.
Sa usapin ng kalagayan ng PLV, sinabi ni delos Reyes na bagaman maayos ang mga pasilidad at may mga gradwadong nagiging topnotcher sa licensure exams, malinaw pa rin ang pangangailangan ng reporma.
“There will always be room for improvement. There will always be a system that needs to be adopted in order for it to be better,” aniya.
Iminungkahi niya ang pagtatatag ng isang Office of Student Affairs na tunay na bukas sa hinaing ng mga mag-aaral, kasabay ng panawagan para sa mas bukas at hindi represibong pamamahala.
Ayon sa kanya, ang kultura ng pananakot at pagsupil sa pagpapahayag ang isa sa mga ugat ng krisis sa pamantasan.
Hiling ni delos Reyes sa susunod na liderato ng pamantasan na maging bukas sa hinaing ng mga estudyante at magsilbing gabay sa makatao at makatarungang pamamahala.
“Huwag na huwag magsasawa na maghanap ng ikabubuti pa. Oo at laging mayroong ikabubuti,” panawagan niya.






