BAGONG web language-learning app sa Filipino, maaaring makatulong sa pagtuturo ng wikang Filipino at kulturang Pilipino, ayon sa mga eksperto.
Itinatag ng Filipino-American businessman na si Jeff Lontoc ang “Tarana,” isang digital learning platform na naglalayong mapalawak ang pagkatuto ng wikang Filipino para sa mga dayuhan at mga Pilipinong lumaki sa ibang bansa.

“Puwedeng-puwede ‘yan [magamit] lalo sa kursong Filipino for foreign students. Puwedeng learning tool ‘yong mga ganiyan pero kasabay [dapat ito] ng face-to-face at in-person na pagtuturo ng teacher. Dapat may gabay,” wika ni Assoc. Prof. Myra De Leon, dating tagapangulo ng UST Departamento ng Filipino, sa panayam ng Varsitarian.
Tampok sa app ang interactive na pagsasanay sa bokabularyo at pagbigkas ng ilang salitang Filipino. Bahagi rin nito ang mga paliwanag sa kontekstong pangkultura, kabilang na ang kaugalian, pagkain at pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino.

Iminungkahi ni De Leon na manirahan sa Filipinas ang ilang mga nagpapatakbo ng app upang matiyak na nakasasabay ito sa patuloy na pagbabago ng mga wika at kultura sa bansa.
“Mainam siguro kung collaborative ito o mayroon talagang mga Pilipino ang gagawa nito para updated sa kung anuman ang bago sa atin, lalo na ‘yong mga lugar, ‘yong mga gawi at ‘yong mga pagkain,” wika ni De Leon.
Ayon kay Michael Ogsila, na may anim na taong karanasan bilang instruktor sa Departamento ng Filipino sa UST, positibong hakbang ang mga digital platform dahil ipinakikita nitong ang wika ay nananatiling buhay, dinamiko, at kinahihiligan ng pandaigdigang komunidad.
Dagdag pa niya, pinapalawak ng Tarana ang akses sa pag-aaral ng Filipino sa labas ng silid-aralan at hinihikayat ang mga dayuhan na kilalanin ang wikang Filipino at ang kulturang kaakibat nito.

May ilang limitasyon ang app na may kinalaman sa pakikipag-ugnayan.
“Karaniwang nakapokus ang mga app sa mababaw na antas ng komunikasyon [tulad ng simpleng pagbati o pagsasalin] at kulang sa malalim na pagsusuri ng diskurso, kritikal na pag-iisip, at malikhaing pagsulat,” ani Ogsila.
“Ang wika ay panlipunang aktibidad. Kulang ang app sa natural na pakikipagtalastasan, pagbasa sa emosyon, at agarang pagwawasto (real-time feedback) mula sa isang tunay na guro o kausap,” dagdag pa niya.
Inihayag ni Ogsila na sa kabila ng pag-usbong ng mga digital platform para sa pag-aaral ng wikang Filipino, nananatiling mahalaga ang mga akademikong aklat bilang pundasyon ng malalim na pagkatuto.
“Ang mga tradisyonal na aklat ay nananatiling pundasyon ng malalalim na teorya, estruktura, at pormal na panitikan na madalas ay kulang sa mga app,” aniya.
Bagaman libre ang access sa ilang pangunahing feature ng app, may bayad upang ma-unlock ang mga premium na nilalaman gaya ng mga rehiyonal na wika at gabay sa paglalakbay.

Hango sa salitang “tara na,” isinapubliko nitong Marso ang web application na Tarana ngunit hindi pa ito bahagi ng App Store at Google Play. Dan Cedric T. Latasa







