(Dibuho ni Regina Louise DLC. Sanota/ The Varsitarian)

UMIGTING ang tensyon sa screening ng pelikulang “Quezon” nang komprontahin ni Enrique Quezon Avanceña, apo ng dating Pangulong Manuel Quezon, ang direktor na si Jerrold Tarog dahil umano sa maling paglalarawan sa buhay ng kanyang lolo.

Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Avanceña sa question-and-answer session matapos ang pelikula, dahil “sinalaula” umano ng pelikula ang alaala ng dating pangulo.

Ang biopic, na layong ipakita ang mga huling taon ng buhay ni Quezon, ay naging mitsa ng diskusyon hinggil sa hangganan ng malikhaing lisensya at katumpakan sa pagsasalaysay ng kasaysayan.

“Ang tanong, was it a political satire? Kung gano’n, nagbibiro ka lang pala,” wika ni Avanceña sa direktor na si Jerrold Tarog matapos ang screening sa Power Plant Cinema sa Makati noong Okt. 23.

Ani Avanceña, hindi siya sang-ayon sa ilang paraan ng pagganap at pagtalakay sa buhay ni Quezon.

“Sinalaula niyo ang alaala ng aking lolo. You did not.. have the artistic integrity to stand by this product if you will say it is satire,” wika niya.

Uminit ang pagtatalo nang magsalita si Jericho Rosales, ang gumanap sa karakter ni Quezon, upang sabihin kay Avanceña na wala nang natitirang oras para makapagtanong ang ibang manonood.

Ani Avanceña, tatlong beses na niyang napanood ang pelikula at maayos pa ang kanyang pakiramdam sa una, ngunit nag-iba ito matapos niyang mabasa ang mga komento sa social media.

“Not until I’ve seen all the comments, all the bashing on social media. What you have opened, Mr. Tarog, is a Pandora’s box,” wika pa ni Avanceña. “Hindi niyo alam ang binuksan niyo.”

Matapos murahin ni Avanceña ang mga taong nasa likod ng historical film, sinabi ni Rosales na naiintindihan niya ang damdamin ng apo ng dating pangulo.

“No offense taken, no offense taken […] We do not disregard feelings,” wika ng aktor.

Sa opisyal na pahayag, iginiit ng TBA Studios na nakabatay sa “verifiable resources” ang mga historikal na detalye ng pelikula.

“We encourage everyone to watch the movie so they can form their own opinions and join the ongoing conversation about the film, our history, and how it continues to resonate today,” saad ng produksyon sa isang Facebook post.

Hinikayat din ng TBA Studios ang paggamit ng story guide book at companion book na naglalaman ng mga sanggunian at tala sa pananaliksik na ginamit sa pelikula.

Sa kabila ng kontrobersya, umaasa ang produksyon na patuloy na mapukaw ng pelikula ang masiglang diskurso ng mga Pilipino hinggil sa kasaysayan at sa pamana ni Quezon.

Si Quezon ay binigyan ng Bachelor of Arts ng Unibersidad ng Santo Tomas noong 1894 na may perpektong markang sobresaliente

Mula 1894 hanggang 1898, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng abogasya sa UST at kalauna’y nagtamo ng ikaapat na puwesto sa 1903 Bar Examinations.

Kinikilala siya bilang “Ama ng Wikang Pambansa” dahil sa kanyang paniniwalang hindi magiging matatag ang isang bansa kung wala itong kinikilalang pambansang wika.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.