(Dibuho ni Allana Elaine J. Libunao/ The Varsitarian)

NOMINADO ang Baybayin documents na nasa pangangalaga ng UST sa talaang kumikilala sa historical artifacts na may natatanging kontribusyon sa kasaysayan at kultura ng Asya at Pasipiko.

Ito ay internasyunal na pagkilala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) Memory of the World Asia-Pacific Register (MOWCAP).

Binubuo ang Baybayin Documents ng mga lumang tala na nagpapakita ng pakikilahok ng mga kababaihan sa kalakalan, kabilang ang pagbebenta at pagbili ng lupa. 

Nakapaloob dito ang dalawang deed of sale ng lupa noong ika-17 siglo.

Kasalukuyang iniingatan ang mga dokumento sa Archivo de la Universidad de Santo Tomas. Idineklara ang mga ito bilang National Cultural Treasure ng National Archives of the Philippines noong 2014.

Kasama ng Baybayin Documents sa nominasyon sa Unesco MOWCAP ang Laguna Copperplate Inscription na nasa National Museum of Anthropology, at ang Ramon Obusan Folkloric Group, isang samahan ng mga mananayaw na naglalayong mapreserba ang mga tradisyon, ritwal, at katutubong sayaw ng bansa.

Kapag naaprubahan, mapapabilang ang Baybayin Documents sa hanay ng mga dokumentong mula sa Pilipinas na nasa talaan ng Unesco, kabilang ang Hinilawod Epic Chant Recordings, Doctrina Christiana na unang librong inilimbag sa bansa, Culion Leprosy Archives, at ang presidential papers ng dating Pangulong Manuel Quezon.

Inaasahang ilalabas ng Unesco ang resulta ng nominasyon sa susunod na taon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.