KINILALA ng mga batikang manunulat ang kontribusyon ng Tomasinong si Alejandro Abadilla bilang “Ama ng Modernistang Panulaang Filipino” sa talakayang ginanap sa sentenaryong pagdiriwang ng kaniyang kapanganakan noong Marso 10 sa UST Miguel de Benavides Library Conference Hall.
“Kinikilala si Abadilla bilang ‘Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog’ hindi lamang dahil siya ang masigasig na nagbasa at pumili ng namumukod na mga akda, kundi dahil sa kaniyang matamang paninindigan laban sa talamak at makipot na nakabihasnang pamantayan sa pagtula,” ani ng makata at kuwentistang si Rebecca Añonuevo sa Alejandro G. Abadilla Centennial Forum na idinaos sa pakikipagtulungan ng Varsitarian, Department of Languages, Literature, and Philosophy ng Faculty of Arts and Letters, at mga mag-aaral mula sa III-Literature.
Bagaman nabuhay si Abadilla sa panahon ng tradisyonal na panulaang Balagtas, kung saan binibigyang-diin ang balangkas at kaanyuan ng akda, ginamit niya ang malayang taludturan at makabagong mga idyoma at salita upang ipahayag ang kaniyang mga ideya’t karanasan.
Kabilang sa mga akdang isinulat ni Abadilla ang koleksiyong Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula at Piniling mga Tula ni AGA, gayundin ang mga nobelang Sing-ganda ng Buhay at Pagkamulat ni Magdalena. Ngunit higit na nakilala ang kaniyang tulang Ako ang Daigdig at koleksiyong Erotika sapagkat higit na makikita rito ang kaniyang pagtiwalag sa tradisyonal na uri ng panulaan.
“Sa tulong ng kaniyang kakaibang gamit ng mga kataga, napalaya ni Abadilla ang taludturang Pilipino, kung hindi man ang panulaang Filipino,” ani Victor Emmanuel Carmelo Nadera, makata at direktor ng Likhaan UP Institute for Creative Writing.
Sa kaniyang panayam na may temang Pagtitig sa ‘Di Nakikita: Ang Babae ay Wala sa Mga Piling Tulang Erotika ni Abadilla, binigyang-diin ni Añonuevo na bagaman hindi pinangalanan ang mga kababaihan sa mga tulang erotika ni Abadilla, kusa naman itong umiiral, kumikilos, at umuudyok sa kaniyang panulat.
“Ito ang hamon ng panukalang pagbasa kay Abadilla, ang pakinggan ang makapangyarihang katahimikan at pagpipinid sa buslo sa pagitan ng mga alimpuyo ng mga taludtod,” ani Añonuevo.
Nagtapos ng Pilosopiya sa dating Faculty of Philosophy and Letters (Philets) noong 1931, si Abadilla ang nagtatag ng Kapisanang Balagtas na naglalayong palaguin ang paggamit ng wikang Tagalog. Sa tulong din niya, naitatag ang Kapisanang Panitikan noong 1935, na kinabilangan ng iba pang mga manunulat tulad nina Teodoro Agoncillo, Brigido Batungbakal, at Genoveva Edroza-Matute.
Ayon kay Florentino Hornedo, isang historyador at propesor ng Pilosopiya at Panitikan sa UST Faculty of Arts and Letters at Graduate School, maaaring naging isang salik sa paghubog ng kaisipan ni Abadilla ang pag-aaral niya sa Philets, at makikita ito sa kaniyang tulang “Ako ang Daigdig.”
“Ang tulang ’Ako ang Daigdig’ ay isang poetic installation ng mga pangunahing ideyang pilosopikal tungkol sa tao na maaaring natutunan ni Abadilla noong nag-aaral pa siya sa Philets,” ani Hornedo.
Para naman kay Efren Abueg, isang kuwentista at propesor sa De La Salle University-Dasmariñas, maaaring nakaapekto sa liberal na edukasyong pampanitikan ni Abadilla ang kaniyang pamamalagi at pagtatrabaho bilang manunulat sa Estados Unidos, gayundin ang pagbabasa niya ng mga kanluraning aklat.
“Kung hindi man sa kaniyang pamamalagi sa Estados Unidos, masasabing nagpatuloy ang edukasyon niya sa panitikan sa kaniyang pagbabalik hatid ng mga aklat na masigasig na inaangkat para maging mabilis ang Amerikanisasyon ng sambayanang ilang dekada pa lamang nahahango sa dilim at kamangmangan ng eskudo ng Espanya,” ani Abueg.
Ako, daigdig at tula
Sa lahat ng mga tulang isinulat ni Abadilla, higit na binigyang-pansin ang akdang “Ako ang Daigdig” dahil sa iba’t ibang makabagong ideyang ipinahihiwatig nito bagaman kakaunti lamang ang mga salitang ginamit rito.
Tinalakay ni Gary Devilles, propesor sa Ateneo de Manila University at Artlets, sa kaniyang papel na Si Superman at si AGA: Pagdalungad sa Konsepto ng Ubermensch ni Nietzsche sa Ako ang Daigdig at Iba Pang Modernong Tula ang pagkahalintulad ni Abadilla sa konseptong Superman ng pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche sa pamamagitan ng pagsalungat sa tradisyonal na panulaan at paggawa ng mga tulang may panibagong anyo at nilalaman.
“Sa pag-uulit ng mga salitang ako, daigdig, tula, at maliw sa kaniyang tulang ‘Ako at ang Daigdig,’ nakalikha si Abadilla ng isang obrang hahamon sa hangganan ng poetikang Tagalog na nakalubog pa noon sa tradisyon ng Balagtasismo,” ani Devilles.
“Maituturing na progresibo sa isang post-colonial na perspektibo ang tulang ito dahil ang puno’t dulo ng tula ay ang ‘ako’, ang manlilikha ng tula na lumilikha sa mundo,” ani Rolando Tolentino, kuwentista at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas.
Ayon naman kay Michael Coroza, makata at propesor sa Ateneo at dating patnugot ng Varsitarian, hindi lamang laban sa imperyalismo ang tulang “Ako ang Daigdig” ni Abadilla kundi nagpapahiwatig ito ng pagbabalik sa sarili.
“Tinuligsa ng makata ang mekanikal na paggamit ng tugma at sukat dahil sa tingin niya, hindi tula kundi prosang nakasilid sa mahigpit na anyo ng tugma at sukat ang sinusulat ng mga makata,” aniya.
Bilang pagpupugay sa mga naiambag ni Abadilla sa panitikang Filipino at pagkilala na rin sa kaniyang mga tulang makabago, inilunsad sa kumperensiya ang Kaakuhan, isang audio album ng mga tula ni Abadilla gayundin ang mga tulang nilikha para sa kaniya.
ano ba ang ipinapahiwatig o mensahe
ng tula at pagkakaiba sa ibang tula
ano ba ang sukat,tugma at paksa sa ”ako ang daigdig?
hmm . ang mga tradisyunal na tula kase ay kakikitaan ng estruktura upang maipakita rin ang pagpapahalaga sa kaayusan. Ang tulang “Ako ang Daigdig” ay tahasang binago ang katangiang ito ng panitikang tradisyunal upang makapagpahayag ng mga ideya sa ibang paraan. Eksperimentalismo ang tawag doon at isa ito sa pitong katangian ng mga modernistikong akda.