SI GENOVEVA Edroza-Matute, o mas kilala sa tawag na “Aling Bebang,” ay isa sa pinakadakilang manunulat at kuwentista ng panitikang Filipino. Nagtapos ng Bachelor of Secondary Education major in English, master’s, at doctorate degree sa UST, si Aling Bebang ay nagkamit ng iba’t ibang parangal tulad ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Gawad Cultural Center of the Philippines para sa Sining (Panitikan), Republic Literary Awards ng National Commission for Culture and the Arts, at Lifetime Achievement Award para sa Panitikan na ginawad ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang sumusunod na kuwento ay base sa katauhan ng isang batang lalaki na naging estudyante ni Matute dati. Nagwagi ang akdang ito ng Palanca noong 1955.
***
Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan…nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya’y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya’y mananatiling isang batang lalaking may kaliitan, may-kaitiman at may walong taong gulang.
Pagkaraan ng daan-daang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan. Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin, isang araw, nang siya ang aking maging guro, at ako ang kanyang tinuruan.
Isa siya sa pinakamaliliit sa klase. At isa rin sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang “punto” na nagpapakilalang siya’y taga-ibang pook.
Nguni’t may isang bagay na kaibig-ibig sa munti’t pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit hindi na siya hilingan nang gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinamamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng mga hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawa’t isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng, “Goodbye, Teacher!”
Sa simula, pinagtakhan ko ang kaniyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa—umiiwas sa iba. Paminsan-minsa’y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang agad ang kanyang paningin. Habang tinatanaw ko siya tuwing hapon, pinakahuli sa kaniyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kaniyang kapangitan, ang kakatuwang paraan ng kanyang pagsasalita.
Unti-unti kong napagdugtung-dugtong ang mga katotohanan tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.
Isang mabagal na paraan: ang pag-akit na iyon sa kaniya at ang pagtiyak na siya’y mahalaga at sa kaniya’y may nagmamahal. Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa’t bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.
Isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Sa paglingon ko sa mga taong nagdaa’y naaamin ko sa sariling ang lahat nang iyo’y aking kasalanan. Mainit noon ang aking ulo,umagang-umaga pa. At ang hindi dapat gawin ay aking ginawa— napatangay ako sa bugso ng damdamin. Hindi ko na magunita ngayon kung ano ang ginawa ng batang iyon na aking ikinagalit. Ang nagugunita ko lamang ngayon ay ang matindi kong galit sa kanya, ang pagsasalita ko sa kaniyang ipinanliit niya sa kanyang upuan. Nalimutan ko ang kanyang pag-iisa, ang kaniyang kalumbayan, ang mabagal na paraan ng pag-akit at pagtiyak sa kanyang siya’y mahalaga at minamahal.
Nang hapong iyo’y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Nguni’t siya’y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga iyon at upang itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang ibili ako ng minindal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawa’t hanay, gaya nang kanyang kinamishasnan. Nguni’t hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong iyon.
Naisip ko: Napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso’y kinapopootan niya ako ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisa’t kawalan ng pagmamahal ay makadarama rin sa kawalan ko ng katarungan. Ngayo’y paalis na siya, ang naisip ko nang may kapaitan sa puso.
Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kaniyang loob.
Nagtungo siya sa pintuan at ang kaniyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang magsabi ng, “Goodbye, Teacher.” Lumabas siya nang tahimik at ang kaniyang mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.
Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa aking sarili. Napopoot siya sa akin. At ito’y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.
Bukas… Marahil, kung pagpipilitan ko bukas…
Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata’y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata niyang nakipag-salubungan sa aki’y may nagugulumihanang tingin. “Goodbye, Teacher,” aniya. Pagkatapos ay umalis na siya.
Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.
Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro.
ang ganda ng storya sana mabasa pa ito ng maraming guro na madaling natatangay ng sakit sa ulo at ibinubuhas ang sakit ng ulo sa mga student….! 🙂
napakaganda ng maikling kwentong ito….siguro nabasa na ito ng mga guro sa filipino o kahit sinong guro….sana matauhan din ang mga guro na kung minsan sila ay nadadala sa sakit ng kanilang ulo o di kaya’y ung iba may problema at doon nila ibinuhos sa mga studyante…ni hindi nila alam na may munting puso rin ang mga bata.
totoong napakaganda ng kuwento na nagpapaalala sa mga gurong katulad ko na dapat hindi lang pagtuturo ang ginagawa kundi pati na rin ang pagdiskubre sa kuwento sa likod ng mga malulungkot na mukha at pasaway na ugali ng mga mag-aaral. Sa bawat katotohanang malaman sa kanilang pinagdadaanan, maaaring magdurugo ang ating mga puso subalit ang mahalaga sa pagdurugong iyon nakagagaan ito sa kanilang naramdaman. Para sa akin wala nang mas masakit na katotohanan kundi ang malamang may mga magulang na hindi karapat-dapat maging magulang. Bawat “thank you” na aking matanggap ay isang tagumpay dahil kahit panandalian ay napunan ko ang mga puwang sa kanilang mga puso…
napakaganda ng kwento, sana maraming tao o guro ang makabasa ng nakakatindigbalahibong kwentong ito…….,**************:):):):)
Napakaganda ng storya.. bukod sa kwento ni mabuti ay ito ang pangalawa kung gusto sa mga akda ni Gng. Genoveva Matute.
Napakahalaga ng kwentong ito sa lahat ng mga guro sapagkat hindi lahat ng mga mga-aaral na kanilang tinuturuan ay gaya ng isang batang masayahin, nakikihalubilo sa iba’t ibang mga bata , ang kwentong ito ay isang aral sa mga guro na dapat hindi sila nagpapadala sa init ng ulo na kanilang nararanasan sa loob ng paaralan may ibat ibang katangian ang mga batang nag aaral ngunit ang napakahalaga ay yung mga batang nagbago ang pananaw sa buhay.
tama po.. tlgang ndi lhat po sa aming mga estudyante ay pareho ng nararamdaman at pag iisip… tlgang nasasaktan din kmi kpag kmi ay napagalitan at dhil kung ano mn ang aming nagawang kasalanan o naikagalit ng amng guro ay ndi nmn sinasadya at ndi namin nais na sla’y magalit smen …. guro mn nmen cla minsan ndi nmen msabisabi ang masakit nming nararamdaman kht kami ay mga bata pa lmng ai… madami kming nararamdaman na masaskit dhil kht bata pa kmi ay di nmen maiwasan isipin ang problema na sinasabi ng ndi dapat namen problemahin dhil nga daw bata pa kmi para jan..
sobra pong nakatulong ito para sa aking takdang aralin at siyang nagbigay aral din po sa mga guro
napaka ganda talaga ng storyang ito sapagkat itoy mahuhuhutan ng pagasa at ng mga leksyon sa mga guro sapagkat ang mga estudyante ay iba iba ang pagkatao ang istoryang ito ay ang unang storyang na basa ko na nagustohan ko hindi katulad sa iba dyan na walang katuturan …. sa katulad ko ding mga estudyante ito nalang ang basahin nyo kay sa sa iba dyan nawala kang matututunan wag kayong mag isip ng masama sa inyong mga guro subalit hindi nyo alam ang kanilang dinadamdam araw araw para lang maturuan kayo ng mga tamang asal mga bagong leksyon kaya wag nyo kalimutan ang inyong mga guro na gumbay din sa inyong buhay .
totoong napakaganda ng kuwento na nagpapaalala sa mga gurong katulad ko na dapat hindi lang pagtuturo ang ginagawa kundi pati na rin ang pagdiskubre sa kuwento sa likod ng mga malulungkot na mukha at pasaway na ugali ng mga mag-aaral. Sa bawat katotohanang malaman sa kanilang pinagdadaanan, maaaring magdurugo ang ating mga puso subalit ang mahalaga sa pagdurugong iyon nakagagaan ito sa kanilang naramdaman. Para sa akin wala nang mas masakit na katotohanan kundi ang malamang may mga magulang na hindi karapat-dapat maging magulang. Bawat “thank you” na aking matanggap ay isang tagumpay dahil kahit panandalian ay napunan ko ang mga puwang sa kanilang mga puso…
napakaganda ng maikling kwentong ito….siguro nabasa na ito ng mga guro sa filipino o kahit sinong guro….sana matauhan din ang mga guro na kung minsan sila ay nadadala sa sakit ng kanilang ulo o di kaya’y ung iba may problema at doon nila ibinuhos sa mga studyante…ni hindi nila alam na may munting puso rin ang mga bata.
1993 ko unang nabasa ang kwentong ito ng ako ay high school pa lamang at tumimo ito sa aking puso. marahil minsan ay nakita ko ang aking sarili sa batang nasa kwento.makalipas ang 24 taon akala ko magbabago na ang nararamdaman ko sa mensahe ng kwento,ngunit muling bumalong ang luha sa aking mga mata.makapangyarihan ang akda.
ano pong magandang qoutes po dito?