PINATATATAG o pinarurupok ng pananaliksik ang pundasyon ng anumang akda, maging sa malikhaing pagsulat.

Ito ang sinabi ni Jun Cruz Reyes, isang tanyag na manunulat, sa isinagawang talakayang pinamagatang “Paano ba gumawa ng isang mahusay na pananaliksik sa malikhaing pagsulat” noong ika-16 at ika-23 ng Mayo sa Ninoy Aquino Learning Resources Center Building ng Polytechnic University of the Philippines.

Aniya, tulad ng ibang pag-aaral, kinakailangan magsagawa ng mga saliksik sa mga malikhaing akda upang mas tumibay pa ito at punan ang mga nabuong katanungan sa mga mambabasa.

“Ang paghahanap ng problema ay ang pangunahing problema ng isang manunulat sa pagsulat ng ganitong saliksik (sa malikhaing pagsulat). Ito ang pagmumulan ng saysay ng kaniyang sinasaliksik upang makapagbigay ng solusyon sa pinag-aarlang akda.

May dalawang uri raw ng pananaliksik—ang pananaliksik sa malikhaing pagsulat at ang pananaliksik sa akademikong pagsulat.

Nilinaw niya na hindi katulad ng pagsulat sa mga akademikong saliksik na kung saan ito ay teknikal at may pamamaraang “cut at paste,” mayroong setting o tagpuan naman sa mga saliksik sa malikhaing pagsulat.

Binigyang diin ni Reyes na kaakibat lagi ng tagpuan ang kultura kung saan makikita ang pinagmulan ng may-akda at iniinugan ng ginagawang kuwento.

“Dito makikita ang rason ng manunulat kung bakit niya isinusulat ang isang paksa. Kung wala ito (tagpuan) ay magkakaroon ng malaking butas ang kaniyang akda,” aniya.

Mayroon din dapat itong conflict o tunggalian na dapat lutasin sa isinasagawang saliksik.

“Hangga’t hindi kayo marunong gumawa ng problema, hindi kayo makakagawa ng conflict. Dapat sa dulo ng iyong pananaliksik ay may patutunayan ka,” aniya.

READ
Gods of social media

Sa akademikong pagsusulat, mayroon nang mabubuong kasagutan kapag kumpleto na ang mga nalikom na datos. Samantala, sa malikhaing pagsulat, magsisimula pa lamang ang problema pagkatapos makakuha ng impormasyon.

“Alin sa mga datos na ito ang kailangan mo at bubuhayin mo? Gagawin mo ba itong nobela? Anong kabanata? Sino ang dapat nagsasalita ng mga ideyang ito? Ito ang mga ilang tanong kailangang pag-isipan sa paggawa ng ganitong saliksik,” aniya.

Iginiit niya ang pagkakaroon ng mga katanungan at pagpuna ng mga suliranin sa isinasagawang saliksik ay mahalaga upang mas maintindihan ang sinasalamin ng akda.

“Kapag hindi ka nagtanong, magkakaroon ka ng conventional knowledge na nagbubunga ng conventional wisdom. Ito ay kung paano nag-uusap ang mga tao ng walang pinag-uusapan,” aniya.

Kung ang mga pang-akademikong pag-aaral ay gumagamit ng pormal na wika, sinabi ni Reyes na mas mainam na gamitin ang “wika ng panahon” sa pagsusulat ng saliksik sa isang malikhaing akda upang maisabuhay ang pinag-aaralang panitikan at mas maunawaan ng mga mambabasa.

Kung sapat daw ang nasaliksik ay hindi na mangangapa ang mambabasa sa ginawang akda dahil may basehan ang nabanggit na impormasyon at mayroong bagong naidadagdag sa mundo.

Naniniwala si Reyes na mahalaga ang pananaliksik sa isang malikhaing akda dahil binibigyan nito ng sensibilidad ang mga payak na paksa at ito’y nagagawa nitong ipaliwanag.

Sa talakayan, ibinigay na halimbawa ni Reyes ang kaniyang saliksik na “Ang Huling Dalagang Bukid.” Tungkol ito sa isang bayan na napabayaan ang kabukiran dahil wala ng gustong magsaka. Binanggit din niya ang akda ni Alfonso Santiago, isang batikang manunulat, na “Halina sa Aming Nayon.”

READ
Research must help communities, experts say

Aniya, si Santiago raw ay lumaki sa Maynila at ni minsan ay hindi naranasan ang mamuhay sa isang nayon ngunit dahil sa kaniyang pananaliksik ay naging posible ang pagsusulat niya tungkol dito.

Sinabi ni Reyes na kung walang pananaliksik ay hindi maipapaliwanag kung bakit nangyayari ang mga bagay at nagiging salat sa impormasyon ang akda.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.