Filipino, Panitikan, tuloy sa Unibersidad ngayong taon

0
3562

BINIGYANG-diin ni Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, na mananatili ang kursong Filipino sa Taong Akademiko 2019-2020 sa UST, sa kabila ng Commission on Higher Education (CHEd) Memorandum Order (CMO) 20 na naglalayong tanggalin ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

“Mali din iyong interpretasyon na sinabi nilang tuluyan nang tanggalin ang Filipino. [N]asa kalayaan daw ng mga pamantasan at kolehiyo kung magbubukas man sila ng sariling kurso sa Filipino,” wika ni Reyes sa isang panayam sa Varsitarian.

Ituturo pa rin ang Filipino 1 (Kontekstuwalisadong Komunikasyon sa Filipino), Filipino 2 (Panimulang Pagsasalin) at Filipino 3 (Retorika) sa susunod na taong akademiko sa Unibersidad, ayon kay Reyes.

Ayon naman kay Prop. Cheryl Peralta, vice rector for academic affairs, nasa proseso ng paggawa ng institutional policy ang Unibersidad para sa magiging kurikulum sa Taong Akademiko 2020-2021 at sa susunod pang mga taon.

Iginiit naman ni Wennie Fajilan, dalubguro sa Filipino, na dapat itaguyod at ipagpatuloy ang pagtuturo ng wikang pambansa na naka-ugat sa kasaysayan ng Unibersidad.

“May kasaysayan ang UST na kusang nagtataguyod ng pagsusulong ng pambansang wika bago pa man o sa kabila ng mga patakaran ng pamahalaan. Ngayon, muli itong ipinapakita ng Unibersidad,” wika ni Fajilan.

Dagdag ni Roberto Ampil, isa ring dalubguro ng Filipino, dapat bigyang-pansin ang mga naiambag ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad.

“`Yong kasaysayan naman ang nagsasabi na malaki ang naiambag ng unibersidad natin sa pagpapayabong ng Filipino na sana balikan ito ng administrasyon at kilalanin at pahalagahan `yong pagpupunyagi ng UST na ituloy sana `yong ganitong tradisyon at gawain sa pamamagitan ng pananatili ng Filipino subjects,” wika ni Ampil.

lminungkahi niya ang pagkakaroon ng alternatibong hakbang mula sa Unibersidad para sa mga gurong mawawalan ng trabaho, kung sakaling tuluyang tanggalin ang Filipino sa mga susunod na taon.

Isinasaad sa CMO 20 serye ng 2013 na dapat tanggalin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo at ilipat sa dalawang taong kurikulum ng senior high school.

Almario: ‘Mga unibersidad ang pumapatay sa Filipino’

Hinikayat naman ni Virgilio Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang mga pampublikong paaralan na maging modelo ng mga pribadong paaralan sa pagtuturo ng kursong Filipino sa kolehiyo.

“[Ang state universities and colleges] `yong educational instrument of the government to fulfill the language provision of the Constitution,” pahayag ni Almario sa panayam sa Varsitarian.

Ito ang mga dapat manguna na huwag alisin ang siyam na yunit ng kursong Filipino sa kabila ng CMO 20, dagdag ni Almario.

Pinuna rin Almario ang mga kolehiyo at unibersidad na hindi na nagturo ng asignaturang Filipino bago pa ang desisyon ng Korte Suprema.

Idiniin niya na hindi ang Korte Suprema ang pumapatay sa Wikang Filipino kundi ang mga paaralang nagtanggal sa Filipino bilang general education subject.

“Minimisread nila ang Supreme Court decision dahil gusto nilang i-repress. Ang pagbasa nila sa Supreme Court decision, pinapapatay talaga `yung Filipino e wala namang nakalagay doon. [P]rejudice `yun e…na English lamang ang medium of instruction,” wika na Almario.

Nanawagan ang KWF sa Kongreso na amyendahan ang Republic Act 7104 nagtatag sa komisyon noong 1991.

“Sabi kasi nila (Korte Suprema) sa language provision sa Constitution na tinatawag nila (ito) na non-self-executory so nangangailangnan talaga ng gawin ng Kongreso para ma-execute `yong espiritu ng Constitution,” dagdag ni Almario.

READ: Tanggol Wika: Hindi patas ang desisyon ng Korte Suprema

Editor’s note: Naglalaman ang ulat na ito ng nga itinamang impormasyon mula sa istoryang inilathala noong ika-11 ng Hunyo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.