BINIGYANG-DIIN ng isang premyadong makata na mayroong malaking papel na ginagampanan ang panulaang Filipino sa mga isyung kinahaharap ng bansa.
“Sa mahabang kasaysayan ng panulaan, lagi namang sangkot ang makata o sinasangkot ng makata ang kaniyang sining para masuri ang lipunan, [makapamulat at] makapagpa-alingawngaw ng protesta,” wika ni Allan Popa sa isang panayam sa Varsitarian.
Dagdag pa niya, nakikita rin ang mga makata bilang tagapag-ugnay at instrumento sa pagpapadama upang lubos na maintindihan ng mga tao ang bigat ng bawat isyu.
Iginiit din ni Popa, dalubguro ng panitikan at pagsulat sa Ateneo de Manila, hindi lamang hanggang sining ng pagsusulat at tugmaan ang makata.
“Marami sa kanila ang aktibo na pumapailalaim o lumulubog sa iba’t ibang komunidad lalo na ‘yong mga nangangailangan ng tulong, [m]ay pagkakataon talagang kinakailangan isantabi ang pagtula upang higit na maging epektibo sa pagtulong sa kapuwa,” giit ni Popa.
Nagwagi si Popa ng National Book Awards for Poetry dahil sa kaniyang libro na “Morpo: Mga Pagsasanaysay sa Tula” noong 2001.
Ayon naman kay Jerry Gracio, kinatawan para sa mga wika ng Samar-Leyte ng Komisyon sa Wikang Filipino, dapat payabungin ang pagsasalin ng mga akda sa bansa upang lubos na maintindihan ng lahat ang mga panitikan mula sa rehiyon.
“Napakahalagang parte [ang pagsasalin] sa pagtataguyod ng panitikan. Kailangan natin isalin ang panitikan mula sa mga rehiyon at isama sila sa diskurso ng pambansang panitikan,” wika niya.
Dagdag pa ni Gracio, malaki ang papel ng pagsasalin upang mapagbuklod at mapaigting ang bawat panitikan sa bansa na tumatalakay sa iba’t ibang isyu.
Isa ang Panimulang Pagsasalin sa mga kursong Filipino sa Unibersidad sa susunod na taon.