Katutubong wika, ugat ng yaman ng Filipinas

0
20264
File photo

PUNONG-PUNO ng yaman ang Filipinas at isa na riyan ang mga wika na isinusulong ngayong Buwan ng Wika ang pagpapahalaga sa mga ito.

Ayon sa Atlas ng mga Wika sa Filipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), mayroong 130 katutubong wika ang bansa.

Sa tala pa rin ng KWF, limang wikang katutubo sa bansa ang tuluyan nang namatay: Inagta Isarog ng Camarines Sur; Ayta Tayabas ng Tayabas, Quezon; Katabaga ng Bondoc Peninsula, Quezon; Agta Sorsogon ng Prieto Diaz, Sorsogon; at Agta Villa Viciosa ng Abra.

Idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) ang taong 2019 bilang International Year of Indigenous languages.
Sa datos ng Unesco, mayroong 2,680 wika sa buong mundo ang nanganganib nang mamatay.

Binigyang-diin ni Virgilio Almario, tagapangulo ng KWF, hindi dapat balewalain ang mga katutubong wika at kultura ng bansa na siyang pinag-ugatan ng mga yaman ng Filipinas.

“Sinasayang natin ang napakayamang katutubong karunungang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno kapag hindi natin ganap na inadhika ang tungkuling alagaan at pangalagaan ang ating mga wikang katutubo, at hindi nailahok ang mga katutubong karunungang ito sa wikang Filipino,” wika ni Almario sa kaniyang Ulat sa Estado ng Wika ngayong taon.

Iginiit din ni Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, kung ang mga banyagang kaalaman lang ang bibigyang-pansin, maglilikha ito ng mga ideya at saliksik na maglilingkod sa banyagang pangangailangan.

“[A]ng agham at teknolohiyang sumibol mula sa isang katutubong kultura ay higit na maaasahang may oryentasyong sumagot sa pangangailangan ng sariling lupain at magdulot ng pagbabagong batay sa nasaliksik na pangangailangan ng sariling bansa,” giit ni Almario.

Dagdag pa niya, hindi naman talaga maiaalis sa kulturang Filipino ang impluwensiya ng mga banyaga pero dapat na mapaunlad ang sariling yaman ng bansa.

Ayon naman kay Abdon Balde, Jr., kinatawan ng Wikang Bikol ng KWF, maraming mga kaalaman sa bansa ang nasa katutubong wika na dapat maitaguyod sa buong kapuluan.

“Habang nililinang ang isang Wikang Pambansa na inaasahang magbibigkis sa sambayanang Filipino, ay kailangang mapangalagaan ang mga wikang katutubo sa iba’t ibang pook ng bansa,” wika ni Balde sa isang panayam ng Varsitarian.

Mayroong malaking pangangailangan sa mga aklatang maglalagak ng mga panitik ng mga katutubong wika, dagdag ni Balde.

Winika rin ni Balde na karaniwang hindi makaiintindi ng higit sa isang wika ang isang Filipino kaya’t layunin din ng tema ngayong buwan ng wika ang pagsasalin ng mga katutubong akda sa wikang pambansa.

Hinimok ni Victor Emmanuel “Vim” Nadera ang kabataan na gamitin ang
teknolohiya at social media upang manguna sa pagpreserba ng kani-kanilang wikang sinasalita.

“Ang mga bata ngayon nakikita ko sa simpleng pag-fo-forward, pag-click ng like button ay minsan maaaring tawagin nating keyboard warriors, puwedeng doon simulan pero hindi dapat doon matapos,” wika ni Nadera sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon din kay Nadera, dating punong patnugot ng Varsitarian, mahalagang magkaroon ng pagbalik-tanaw sa mga pinag-ugatan ng mga wika sa bansa at bigyan ng malalim na pag-aaral upang maipaunawa sa mga Filipino ang kahalagahan ng mg ito.

“Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino” ang tema ng buwan ng wika ngayong taong 2019.

Agham, teknolohiya sa Wikang Pambansa

Ayon kay Almario, isang malinaw na katotohanan ang hindi pagmulat sa mga Filipino sa kamulatang siyentipiko.

“Itinakda sa patakaran ng edukasyong bilingguwal na manatiling itinuturo ang agham at matematika sa Ingles, upang manatili itong banyaga sa pang-araw-araw na wika at buhay ng mga Filipino. [N]agdudulot ng layaw na hindi naman tunay na kailangan; tumutuklas ng mga tulay sa pangarap na magsilbi sa banyagang lupain,” wika ni Almario.

Dagdag pa niya, nagdudulot ito ng pagiging banyaga ng mga pormula o komposisyon sa agham at teknolohiya na hindi maiintindihan ng ordinaryong Filipino.

Iminungkahi ni Almario na sa pamamagitan ng “isang intelektuwalisadong wikang pambansa,” magiging demokratisado ang kaalamang siyentipiko na lubos na mapakikinabangan ng lahat ng mamamayan.
“Anupa’t ang Filipino bilang Wikang Pambansa ay kailangang magparangalan sa lahat ng maipagmamalaking sariling karunungan samantalang nag-aangkin ng mataas na kakayahang ibukas ang pinto ng makabago’t progresibong karunungan para sa lahat ng nais gumamit,” wika niya.

Sinang-ayunan naman ito ni Nadera na sinabing dapat pairalin ang adaptasyon sa mga pagbabago sa lipunan at isang mahalagang bagay na makasunod din dito ang wika.
“Sa halip na awayin mo ang pag-unlad ng agham at teknolohiya, at matematika, yakapin mo ito, gamitin mo sa misyon mo o bisyon mo na buhayin ‘yong nanganganib na anyo o nilalaman ng isang bagay sa Filipinas,” wika ni Nadera.

Dagdag pa niya, hindi maiiwasan na maagang mamulat ang mga kabataan sa mga salitang dulot ng bagong teknolohiya pero hindi dapat ito pigilin. may ulat mula kay Vivienne Audrey P. Angeles

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.