NAG-UUMAPAW sa sari-saring kultura ang Filipinas, pero sapat ba ang pangangalaga ng bawat mamamayan sa mga yaman na ito ng bansa?

Isa ang wika sa mga pamanang pangkultura sa bansa at ayon sa Atlas ng mga Wika sa Filipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), mayroong 130 katutubong wika ang bansa.

Pero napangangalagaan ba ang mga katutubong wikang ito?

Binigyang-diin ni Virgilio Almario, tagapangulo ng KWF, mayroong kakulangan sa kaalaman ang mga Filipino tungkol sa kahalagahan ng mga katutubong wika.

“Politically, hindi pa ganoon ‘yong pag-iisip nila tungkol sa pangangalaga ng kanilang wika. [S]a bawat wika, may sarili siyang mundo na binuo. Sayang, kasi bawat wika na namamatay para kang nawawalan ng isang kamalig ng karunungan,” wika ni Almario sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon pa kay Almario, kasama sa pag-aalaga sa wika ang pag-aalaga sa wikang pambansa dahil ito ang na- giging tulay para sa mga katutubong wika sa Filipinas.

Sinang-ayunan naman ito ni Jerry Gracio, kinatawan ng wika sa Samar-Leyte ng KWF, at sinabing dapat ang mga tagapagsalita ng mga wikang ito ang dapat manguna sa pagpapayabong nito.

“Dapat malaman ng mga tao na may iba pang mga wika na sinasalita sa kanilang lugar. [B]ahagi ang wika ng pamanang kultural ng isang bayan. Ang linguistic diversity ay yaman na dapat alagaan. Unless, wala talaga tayong paki sa sarili nating kultura,” wika ni Gracio.

Iginiit ni Abdon Balde, Jr., kinatawan ng wikang Bikol ng KWF, mahalagang magkaroon ng pag-aaral sa mga wikang ito nang maipalaganap ang kahalagahan nito.

“Kapag nawala ito ay mawawalan tayo ng ugat. Mawawalan tayo ng mga kaalamang magiging basehan natin sa pagsulong. [M]agiging hungkag ang kaluluwa at kaisipan,” giit ni Balde.

Sa tala ng KWF, limang wikang katutubo sa bansa ang tuluyan nang namatay: Inagta Isarog ng Camarines Sur; Ayta Tayabas ng Tayabas, Quezon; Katabaga ng Bondoc Peninsula, Quezon; Agta Sorsogon ng Prieto Diaz, Sorsogon; at Agta Villa Viciosa ng Abra.

Idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) ang taong 2019 bilang International Year of Indigenous languages.

Sa datos ng Unesco, mayroong 2,680 wika sa buong mundo ang na- nganganib nang mamatay.

Bunsod ng kahirapan

Isa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga katutubong wika ang pag-iisip ng mga tagapagsalita nito sa “ekonomikong pangangailangan.”

Ayon kay Almario, may mga katutubo na naipagpapaliban ang kanilang wika dahil kailangan nilang magsalita ng wika na makatutulong sa kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw.

“Marami tayong mga katutubo na may kani-kanilang mga katutubong wika pero ang nangyayari dahil sa mga pangangailangan nagkakaroon ng kaisipan na limutin ‘yong kanilang katutubong wika at mas pag-aralan ay ‘yong wika na kailangan nila para mabuhay,” wika ni Almario.

Paliwanag ni Gracio, ma- laking salik ang kahirapan at displacement ng mga katutubong ispiker ng wika.

“Dapat nating tiyakin ang kabuhayan ng mga katutubong nagsasalita ng mga wikang ito, ipaglaban ang kanilang mga lupang ninuno. Dahil kapag nawala ang mga tao, mawawala rin ang wika,” ayon kay Gracio.

Iginiit naman ni Balde, malaki ang pagsisikap na dapat manggaling sa pamahalaan o mga politiko sa pag-aalaga ng mga pamanang kultural na ito.

“Ang problema ay walang kooperasyon at tulong ng local government units. Sa isip siguro ng mga politiko ay hindi ito pagkakakitaan. Wala ngang significant na pondo para dito,” giit ni Balde.

Wika, pag-aralan, isama sa akademikong usapan

Marapat ding mahikayat ang mga Filipino na pagtuonan ng pansin ang pag-aaral at pagpapayabong sa mga wikang katutubo.

Ayon kay Rosalyn Mirasol, propesor sa Ingles sa Unibersidad, mahalagang mapag-aralan ang mga wika para maipamulat ang kahalagahan nito sa mga kabataan.

“Mahalagang ma-realize rin ng mga estudyante na mahalagang malaman nila kung ano ‘yong identidad nila,” wika ni Mirasol sa isang panayam sa Varsitarian.

Iginiit ni Raquel Jimenez, propesor sa Ingles sa Unibersidad, dapat na manguna ang mga kabataan sa paggamit ng kanilang mother tongue hindi lamang sa eskuwelahan kung hindi pati sa pang-araw araw na pamumuhay.

“Huwag ikahihiya na siya’y Ilokano o may ibang wikang ginagamit… gamitin pa rin ang wika. [K]ung sila’y magiging magulang, ituro sa kanilang mga anak ang wikang ginagamit ng kanilang lahi,” giit ni Jimenez.

Nanawagan si Evalyn Abiog, propesor sa Ingles sa Unibersidad, sa mga estudyante na manaliksik tungkol sa wikang katutubo dahil para ito sa mga susunod na henerasyon ng bansa.

“[I]tuon sana nila ‘yong pananaliksik sa wikang katutubo dahil ito’y hindi naman magagawa ng iilan lamang. Ito’y para sa ating lahat, lalo na sa kabataan,” wika ni Abiog.

Isang pananaliksik tungkol sa wikang Mag-Antsi ang isinasagawa nina Mirasol, Jimenez at Abiog. Kasama sa kanilang saliksik ang pagtuklas sa kaalaman ng mga ispiker ng wikang ito tungkol sa sarili nilang wika.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.