Photo courtesy of Ralph Fonte and Ang Sabi NIla

NAKAMIT ng isang Tomasino ang unang gantimpala sa Talaang Ginto: Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa akda tungkol sa karanasan sa araw-araw na pagluwas sa Maynila.

Ayon kay Karl Orit, hindi inspirasyon kung hindi “desperasyon” ang nagtulak sa kaniya para maisulat ang tula.

“Lahat ng ginamit kong imahen ay danas ko at ng laksa-laksang komyuter na sumusuong sa hirap ng biyahe—init, inis, at inip sa trapik at pila, siksikan at rambulan sa tren at bus makasakay lang, pagod at lumbay sa pag-uwi,” wika ni Orit sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, nakita niya bilang isang pagkakataon ang patimpalak para makapagsulat muli dahil wala siyang naisulat na kahit anong akda noong nakaraang taon.

Malaki ang papel ng social media para sa mga nais maging makata ngunit kailangan sipating mabuti kung ano ang intensiyon ng isang naghahangad maging makata, wika ni Orit.

“[L]agi kong sinusubukang sipatin din kung ano ba talaga ang hangarin ng isang nagmamakata sa social media—para sa clout, sa malikhaing pamamahayag ng saloobin, sa pagpukaw o paggising ng mga gustong pag-ukolan, o sa kung ano mang sariling interes?” wika niya.

Binigyang-diin din ni Orit ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa pag-aaral ng tula sa eskuwelahan para pagyamanin ang panulaang Filipino.

“Ang kariktan ng isang tula ay nanggagaling sa kakayahan nitong tumindig sa sarili nitong teksto at konteksto, at labas na ang makatang sumulat ng piyesa,” wika niya.

“Kailangang maturuan din at mabigyan ng panibagong tingin sa tula ang mga guro, nang hindi na lang tungkol sa mensahe o aral ang hinahanap sa isang tula (o kahit sa kuwento),” dagdag pa niya.

Nagtapos si Orit ng kursong communication arts sa Unibersidad noong 2009. Siya ang pinuno ng Cavite Young Writers Association at ugnayang-pangmadla ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo para sa taong 2019-2021.

Nagwagi rin ang kalupunan ng kaniyang mga tula na pinamagatang “Para kay P” ng unang gantimpala sa Maningning Miclat Poetry Competition noong 2017.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.