FILE PHOTO (Photo by Francia Denise M. Arizabal/ The Varsitarian)

UMANI NG puna mula sa mga eksperto at akademiko ang maling paggamit ng Baybayin sa pagsalin ng pangalan ng mga kalye sa UST noong umaga ng Lunes, ika-29 ng Hulyo.

Dinagdagan ng umano’y Baybaying katumbas ang mga karatula ng pangalan ng mga kalye sa kampus, na nakuhaan ng litrato ng The Flame at kumalat sa social media.

Agarang tinanggal ang mga karatula dahil ito ay mga prototype lamang, ayon kay Fr. Dexter Austria, O.P., direktor ng Facilities Management Office.

Maganda ang intensyon ng proyekto ngunit kinakailangan ang tamang salin upang maiwasan ang kalituhan lalo na’t mga karatula ito, ayon kay Jose Enage, tagapagtatag ng non-government organization na “Baybayin Buhayin.”

Ayon kay Enage, hindi wasto ang salin sa karatula dahil tinumbas ito kada titik, imbes na kada pantig.

“Ang ginawa niya ay trinanslate niya, letter per letter,” saad niya. “Ang Baybayin ay silabari. Consonant vowel [ang] magkasama. Kaya ‘yong vowel, tatlo lang or lima, pero ‘yong dalawa doon, pareho.”

“Magkakaroon ng…kalituhan doon sa mga nakakaalam ng Baybayin dahil mali.”

Hindi nakikita ni Prop. Zendel Taruc, pinuno ng UST Departamento ng Filipino, ang kahalagahan ng ginawang pagsasalin sa mga pangalan ng kalye sa kampus.

“Hindi na kailangang isalin ang mga pangngalang pantangi lalo na’t ito ang kilalang katawagan,” ani Taruc.

Pagpupugay sa mga ninuno?

Sa isang panayam sa Varsitarian, sinabi ni Austria na ang FMO ang nagpasimula ng proyekto, at nakikipag-ugnayan ito sa Pakultad ng Sining at Panitik o AB para sa pagsasalin sa baybayin.

“(It) is just a prototype, checking on the specifications (height, length, material component) of the actual signage,” wika niya. “We are in direct consultation with the language department of AB.”

“It is not part of the celebration of Buwan ng Wika but an overall appreciation of the form of writing of our forefathers.”

Minungkahi ni Enage na dumulog ang UST sa mga eksperto sa sinaunang pamamaraan ng pagsulat pati na sa mga akademiko sa Departamento ng Filipino.

“Kung gusto nating palitan ang mga signage natin, aralin din natin. Hindi tayo pwedeng magmadali sa isang bagay na hindi pa naman na-introduce at naintindihan ng lahat ngayon,” pahayag niya. “Ayusin natin plus bigyan natin ng katarungan.”

Nasa UST ang itinuturing ng Pambansang Arkibo ng Pilipinas na national cultural treasure — dalawang dokumento ng lupain na nakasulat sa Baybayin. Ito ang natatanging mga dokumento na nakasulat nang buo sa Baybayin. Frenchshield Shayne G. Delovieres may ulat ni Fernando Pierre Marcel B. de la Cruz

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.