BINIGYANG DIIN ng isang akademiko ang kahalagahan ng maagang pagtuturo ng Filipino Sign Language (FSL) sa kabataan upang maiwasan ang “language deprivation,” sa isang webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong ika-2 ng Agosto. 

Ayon kay Raphael Domingo, pinuno ng Deaf Heritage and FSL Studies Unit ng De La Salle  College of Saint Benilde, nakararanas ang mga may kapansanan sa pandinig ng language deprivation dahil sa kakulangan ng pagtuturo ng sariling wika bago sila tumungtong ng paaralan. 

“Ang daming isyu [na kinahaharap ng mga] deaf kung [kaya] lagi silang naiiwan,” ani Domingo, ang unang Filipinong nakapagtapos ng doktorado mula sa World Deaf Leadership Scholarship Program ng Gallaudet University sa Estados Unidos. 

“Marami sa ating mga binging mag-aaral ang mga nakapagtapos [pero] humaharap sa hamon ng language deprivation na pangunahing nagmumula sa kakulangan ng akses sa kanilang sariling wika o mother tongue,” dagdag pa niya. 

Bahagi ang paggamit ng FSL bilang biswal na lengguwahe ng mga pipi sa pagkilala sa mga kabataang may mga espesyal na pangangailangan, ayon sa Batas Republika 10410, o ang Early Years Act of 2013. 

Mahalagang matuto ng mother tongue ang mga may kapansanan sa pandinig bago sila tumungtong sa edad na lima, ani Domingo.

“Dapat sa ating barangay, o sa day care [center], i-set up natin ‘yan. Para ang mga batang deaf doon, maaga silang mabigyan ng exposure sa senyas, mother tongue, o (FSL),” aniya. “Para sa primary school ay handa na sila, mayroon na silang basics ng FSL.” 

Paliwanag ni Domingo, hindi alternatibong wika ang FSL, bagkus ay sariling lengguwaheng biswal, tulad ng Ingles at Filipino, na may sariling istruktura at gramatika.

Itinalaga ang FSL bilang opisyal na lengguwahe ng mga may kapansanan sa pandinig noong 2018 sa bisa ng Batas Republika 11106, na nag-uutos din ng pagtuturo ng FSL bilang sariling paksa para sa mga bingi. 

Tinatayang nasa 1,784,690 Filipino ang ang may problema sa pandinig, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2020. 

Ang webinar na “FSL Tungo sa Inklusibong Pambansang Kaunlaran” ay kabilang sa mga aktibidad ng KWF bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto. Frenchshield Shayne G. Delovieres

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.