HINIMOK ng isang eksperto sa Baybayin na palawigin pa ang kaalaman ng mga Filipino sa sinaunang sistema ng pagsulat sa Filipinas.
Sa isang palihan noong ika-10 ng Agosto, sinabi ni Jose Enage, tagapangulo ng grupong Baybayin Buhayin, na ang pamamaraan ng pagsulat na ito ay nararapat na bigyan ng pagkilala tuwing Agosto.
Ayon kay Enage, lingid sa kaalaman ng mga Filipino ang Baybayin bilang wikang pasulat dahil ang ang wikang pasalita, o ang wikang Filipino, lamang ang kadalasang tampok tuwing Buwan ng Wika.
“Ang kaunawaan ng mga Filipino sa wika ay pasalita lang. Hindi nila alam na ang wika ay pasalita at pasulat,” paliwanag niya sa Varsitarian. “Okay na tayo sa pasalita, kaya lang ‘yong pasulat hindi natin pinapalutang. Bakit? Kontento na tayo sa ating alphabet.”
“[Dahil dito sa workshop], nagkakaroon ng awareness, nagkakaroon ng advocacy para ibalik, buhayin ang ating Baybayin — ang ating wikang pasulat,” dagdag pa niya.
Bagaman may mga kongresista at senador ang nagmungkahing ideklara ang Baybayin bilang opisyal na sistema ng pagsulat sa Filipinas, hindi pa ito kinikilala ng anumang batas.
Noong 2018, inaprubahan ng isang komite ng Kongreso ang House Bill 1022, o ang National Writing System Act, na naglalayong kilalanin ang Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat.
Bago ito, naghain na si Sen. Loren Legarda ng naunang bersiyon ng panukalang-batas sa Senado upang ipag-utos ang paggamit ng Baybayin sa mga karatula sa kalye, pangalan ng mga diyaryo at magasin, at iba pa.
Ipinasa ng mababang kapulungan ng Kongreso noong 2018 ang panukalang batas na Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems Act, na nagsusulong ng pagtuturo ng mga sinaunang pamamaraan ng pagsulat, kabilang ang Baybayin, sa paaralan.
Layon din nitong magsulong ng mga aktibidad upang palaguin ang kaalaman sa mga sistemang ito, partikular na tuwing Buwan ng Wika.
Pinangunahan ng BigMAC Inc. kasama ang TV5 at Baybayin Buhayin ang palihan sa Baybayin bilang parte ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Idinaos ito sa Tiendesitas Mall sa Pasig. Frenchshield Shayne G. Delovieres