(Dibuho ni Aisha Sofia M. Fortes/ The Varsitarian)

BINIGYANG-DIIN ng isang akademiko ang kahalagahan ng paggamit ng mother tongue o inang wika sa mga paaralan sa kabila ng napipintong pagpapatigil nito sa mga mabababang baitang. 

Ayon kay Alvin de Mesa, dalubguro mula sa Leyte Normal University, ang pagtuturo gamit ang inang wika ay makatutulong upang mas mapaintindi sa mga mag-aaral ang mga paksa. 

“Bago natin pag-aaralan, bago natin bigyan ng atensiyon ang mga pangalawang wika o ‘yong mga wika na hindi natin maituturing na atin, kailangan muna natin matuto sa ating sariling wika, sa ating katutubong wika,” ani De Mesa sa isang webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino noong ika-6 ng Agosto. 

“Malaki ang tulong ng paggamit ng ating wikang katutubo para lubos na maintidihan, lubos na ipahayag ng mga estudyante kung ano ‘yong kaniyang [nararamdaman] sa kaniyang puso at saka sa kaniyang isipan,” dagdag pa niya.

Dahil ito ang unang nakagisnang wika ng mga bata, ang inang wika ay nagsisilbing “matibay na pundasyon” sa kanilang pagkatuto ng iba’t-ibang paksa o disiplina sa paaralan, ani De Mesa. 

Upang maging mabisa ang paggamit nito bilang wikang panturo, nararapat lamang na palawigin din ang kaalaman ng mga guro sa inang wika upang maiwasan ang kalituhan, lalo ng mga mag-aaral sa mababang baitang.

“Nararapat lamang na ang guro ay may kakayahang kilalanin ang sariling [wika] sa pamamagitan ng mahusay na paggamit [nito] sa pagtuturo,” saad niya. “Kailangan dito, maging maingat din ang guro sa paggamit ng wikang katutubo. Hindi dapat mahirapan ‘yong mga mag-aaral.”

Kamakailan lamang, ipinasa ng Senado ang panukalang batas na naglalayong ipatigil ang Mother Tongue-Based Multilingual Education mula kindergarten hanggang ikatlong baitang. Ibinabalik nito ang Ingles at Filipino bilang wikang panturo sa mga nasabing baitang. 

Hindi na rin kabilang sa bagong K-10 kurikulum, ang binansagang “Matatag” kurikulum, ng Kagawaran ng Edukasyon ang mother tongue bilang isang asignatura. Frenchshield Shayne G. Delovieres

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.