(Dibuho ni Aisha Sofia M. Fortes/ The Varsitarian)

PINALAWIG ng isang dalubguro ang ilang paraan kung paano makapag-aambag ang mga mag-aaral sa pagpapalakas ng wikang Filipino bilang wikang mapagpalaya gayundin sa papel nito sa paglinang ng mapanuring pag-iisip.

Ayon kay Assoc. Prof. Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, masasabing mapanuri ang isang tao kung mayroon siyang kakayahang makipag-usap nang may lohika at tamang katwiran.

“Bilang digital citizens, dapat mapanuri tayo, hindi lamang sa ina-absorb at tinatanggap nating impormasyon, kundi sa ibinabahagi [rin] nating mga impormasyon,” wika ni Fajilan sa isang panayam sa Albertus Magnus Auditorium.

Ayon sa kaniya, “ang isang mapanuring tao ay laging nag-iimbestiga,” at sa katunayan, “napakahalaga ng wika sa pag-iimbestiga.”

Binigyang-diin ni Fajilan ang ilang mga paraan para mapaunlad ang wikang Filipino bilang wikang mapagpalaya sa paaralan.

“Una, tignan natin na ang wika ay hindi lamang para sa komunikasyon, salitaan lang tayo, kundi ang wika ay salamin ng iyong pag-iisip,” aniya. 

“Para tayo ay lalong umaya, kailangang kilalanin natin ang ating sariling identidad. Sino ba tayo bilang tao? At syempre, ‘yong pagkatao natin ay bahagi ng ating komunidad,” dagdag niya. 

Dagdag pa niya, ang wikang Filipino, bilang bahagi ng multicultural at multilingual na komunidad, ay isang asset o yaman na siyang dapat pagyamanin sa pamamagitan ng mga diskurso.

“At dahil doon mas maiintindihan niyo ‘yong sitwasyon natin sa ngayon at baka madiskubre niyo rin ‘yong mga natatanging salita sa inyong bayan,” wika ni Fajilan.

Inilunsad ng UST Education High School ang talakayan na may temang “Wikang Filipino, Wikang Mapagpalaya: Papel ng Wika sa Paglinang ng Mapanuring Pag-iisip,” bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.