MULING IMINUNGKAHI ang pagsulong ng batas ukol sa pagkilala sa pagsasalin bilang isang lehitimong propesyon. (Dibuho ni Gwyneth C. Villavicencio/ The Varsitarian)

MULING IMINUNGKAHI ang pagsulong ng batas ukol sa pagkilala sa pagsasalin bilang isang lehitimong propesyon.

Ayon kay Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, isa sa mga dapat pagtuunan ng pansin ay ang paglalathala sa mga Araling Salin.

“Ang paglalathala, isa sa mga pinaka-epektibong paraan para lalo nating mapalawak ang naaabot ng araling-salin, at lalong nagkakaroon ng kamalayan ang mga tao rito,” wika ni Fajilan sa isang talakayan.

Binigyang-pansin rin ang panukalang batas sa propesyonalisasyon ng mga tagasalin noong ika-18 ng Mayo sa “Layag: Forum sa Pagsasalin,” kung saan ibinahagi ang dalawang bersyon ng panukala.

Sa unang bersyon na inilahad ni John Enrico Torralba, pinuno ng Sangay ng Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino, kaniyang iginiit ang pagkilala sa karapatan at kahusayan ng mga tagasalin. 

Isinaad naman sa pangalawang bersyon ni David Michael San Juan, tagapangulo ng Pambansang Lupon sa Wika at Salin ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining, ang pagtaguyod at pagtukoy sa isang pambansang pamantayan. 

Paliwanag ni Fajilan, marapat lamang na maipalaganap at maisalin ang mga saliksik sapagkat humihina at nawawalan ito ng esensya kung hindi ito lubos na nauunawaan at naibabahagi sa mga makababasa. 

“[K]aya tayo nananaliksik para mas makatulong tayo sa pagpapalakas ng awareness o kamalayan ng mga tao sa mga isyu at problema na ating nabibigyan ng pansin sa ating mga saliksik,” saad niya.

Upang matugunan ito, marapat na gawing prayoridad ang pagkilala sa saliksik-salin bilang isang ganap na propesyon. 

“Kung maisusulong natin ang mga saliksik dito, mas magagabayan ang mga hakbang para sa pagsulong ng batas, mga mungkahing patakaran at pamantayang nagmumula sa mga konkretong pananaliksik,” wika ni Fajilan. 

Nakasaad sa Philippine Translators Professionalization Act of 2024, panukalang batas na isinulat ni San Juan, ang dahilan at mga hakbang upang suportahan ang propesyonal na pag-unlad ng mga tagasalin. 

Ang 1976 Recommendation on the Legal Protection of Translators and Translation and the Practical Means to Improve the Status of Translators na inilatha ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) ang pangunahing dahilan na nakita ni Fajilan upang isulong ang batas na naglalayong maiangat ang kalidad at antas ng pagsasalin.

Naglalaman ang dokumentong ito, na inilathala 48 taon na ang lumipas, ng mga praktikal na mungkahi para sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga tagasalin at mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.

“[D]apat na mayroong mga pag-aaral na sususog o susuporta sa pagtiyak sa kalidad ng trabaho ng mga tagasalin,” saad ni Fajilan.

Naniniwala si Fajilan na magiging mas epektibo ang pagtataguyod ng propesyong ito kung magkakaisa ang mga konsepto ng pagpaplanong pangwika.

“Siguro ang pinakamahalagang tanong dito ay tignan natin ‘yung mga patakaran sa pagsasalin na angkop sa pangangailangan natin ngayon, partikular na ang mga institusyon, mga samahan at mga individual na practitioner, pati na ‘yung freelancer,” wika niya. 

“So, sa Filipinas, wala pa tayong malinaw na patakaran diyan. At syempre, dapat na mayroong mga pag-aaral na susunod o susuporta sa pagtiyak sa kalidad ng trabaho ng mga tagasalin,” aniya.

Idinaos ang talakayan noong ika-21 ng Setyembre bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Pambansang Asosasyon ng mga Tagasalin (PATAS). Frenchshield Shayne G. Delovieres

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.