Sentro Lumbera launches 'Parolang Ginto: The Annual Bienvenido Lumbera Lecture Series' on Saturday, Sept. 28, the third death anniversary of the late Thomasian National Artist, at the UP Vargas Museum. (Photos by Chloe Elysse B. Ibañez/ The Varsitarian)

INILARAWAN ng isang historyador ang yumaong Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera bilang isang “parolang ginto” dahil sa kaniyang pagmamalasakit sa iba’t ibang henerasyon ng manunulat sa bansa.

Sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng pagyao ni Lumbera, sinariwa ni Nicanor Tiongson, batikang historyador ng pelikulang Filipino na nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), kung papaano ginabayan ng Pambansang Alagad ng Sining ang mga kasamahan sa larangan ng sining at panitik sa loob ng anim na dekada.

“Ang parola’y maaasahan at mapagkandiling gabay, tulad ng pag-aalaga at pagmamalasakit ni Bien sa mga kasama at kaibigan,” wika ni Tiongson sa lekturang “Parolang Ginto: The Annual Bienvenido Lumbera Lecture Series,” na idinaos sa UP Vargas Museum nitong Sabado, ika-28 ng Setyembre.

“Ang parola’y may liwanag na tanglaw – may bagyo ma’t may dilim – tulad ng pagtuturo ni Bien na nagmulat sa mata ng libo-libong kabataan, at umakay sa marami pang walang muwang, naliligaw, nag-aalinlangan o nabubulagan, kahit sa pinakamadilim na panahon ng Batas Militar. Parolang ginto ng sambayanang Pilipino. lyon si Bien,” dagdag niya.

Binigyang-pugay ni Tiongson ang malaking ambag ni Lumbera sa larangan ng pelikulang Filipino. Isa ang Pambansang Alagad ng Sining sa mga nagtatag ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino noong 1976 na taon-taong nagdaraos ng prestihiyosong Gawad Urian.

“Bilang pinaka-senior sa lahat ng kasapi, naging halimbawa siya ng kritikong matalisik magsuri, may puso para sa pelikulang Pinoy at ‘di matatawarang integridad,” wika ni Tiongson.

Sa paglisan ni Lumbera, isang dating katuwang na patnugot ng panitikan sa Varsitarian, dalawa na lang sa orihinal na mga miyembro ng Manunuri ang nabubuhay: si Tiongson at ang manunulat na si Clodualdo “Doy” del Mundo Jr.

Pumanaw ang Pambansang Alagad ng Sining noong Setyembre 28, 2021, dahil sa mga komplikasyong dulot ng stroke. Iginawad ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pinakamataas na parangal para sa mga Filipinong artesano noong 2006.

Sa mga dekadang nagturo siya sa Pamantasang Ateneo de Manila at UP Diliman, hinasa ni Lumbera ang kamalayan at kaisipan ng kaniyang mga estudyante na kalauna’y bumuo ng sarili nilang pangalan sa industriya, mula kina Virgilio Almario at Isagani Cruz hanggang kina Roland Tolentino at Jerry Respeto.

“Mas malalim ang naging pagkatuto ng mga mag-aaral, hindi sa magarbong paglelektyur, kung hindi sa pagpapaliwanag na nagbibigay sa kanila ng espasyo at panahon para limiin ang mga kaisipang idinudulot sa kanila sa banayad at mabining paraan,” wika ni Tiongson. “Siya ang nagbukas ng pinto para makapasok sa pag-aaral ng panitikang Filipino ang iba-ibang henerasyon ng mga iskolar at kritikong Filipino.”

Pero para sa historyador, ang mga maliliit na kilos ni Lumbera bilang isang tapat na kaibigan ang pinakatumatak sa kaniya.

”Hindi lamang ako kung hindi marami pang iba ang tumanggap ng pagmamagandang loob ni Bien – mga estudyanteng nangangailangan ng gabay o payo sa buhay man o pag-aaral, mga kasamang walang mabalingan, mga kaibigang may pinagdadaanan,” pagsasariwa ni Tiongson. ”Kaya siguro madalas siyang mapagkamalang pari.” May ulat ni Fernando Pierre Marcel B. Dela Cruz

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.