OPISYAL nang ipinatigil ang paggamit ng mother tongue sa primaryang antas ng edukasyon matapos itong hayaang maging batas, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Sabado, Okt. 12. (Dibuho ni Louelle Marie P. Bumalay/ The Varsitarian)

OPISYAL nang ipinatigil ang paggamit ng mother tongue sa primaryang antas ng edukasyon matapos itong hayaang maging batas, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Sabado, Okt. 12.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 12027, hindi na kailangang gamitin ang mother tongue  o katutubong wika bilang pangunahing wikang panturo mula kindergarten hanggang ikatlong baitang.

Ayon sa batas, dapat ibalik ang Filipino at Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan at asignatura alinsunod sa Artikulo 14, Seksyon 7 ng 1987 Konstitusyon, samantalang ang regional languages ay magiging “auxiliary media of instruction.” 

Layunin ng RA 12027, o ang “Act of Discontinuing the Use of the Mother Tongue as Medium of Instruction from Kindergarten to Grade 3,” na amyendahan ang probisyon ng RA 10533, o ang “2013 Enhanced Basic Education Act,” na nagsasaad na ang mother tongue ang pangunahing wikang panturo. 

Naisabatas ang RA 12027 matapos lumipas ang 30 araw na hindi ito mapirmahan ng pangulo.

Ayon sa Konstitusyon, kapag hindi pinirmahan ng pangulo ang isang bill o panukalang batas sa loob ng 30 araw, awtomatiko na itong magiging batas. 

Samantala, maaari pa ring gamitin ang mother tongue sa loob ng mga monolingwal na klase o ang mga klase na may mag-aaral na nasa parehong baitang at mayroong iisang wika na sinasalita bilang kanilang pangunahing wika. 

Dapat munang tiyakin ng mga monolingwal na klase ang paggamit ng mother tongue kung natutugunan ang sumusunod na mga pangangailangan:

  • Opisyal na ortograpiya na binuo at inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF);
  • Opisyal na dokumentong bokabularyo na inilathala ng KWF;
  • Literatura ukol sa mga wika at kultura;
  • Mga aklat sa gramatika; at
  • Pagkakaroon ng mga guro sa paaralan na nagsasalita ng kaparehong mother tongue at sinanay upang magturo ng wikang ito.

Ipatutupad ang bagong batas simula Okt. 27 o 15 araw kasunod ng paglathala nito sa Official Gazette.

Inaasahan ang Kagawaran ng Edukasyon, sa pagsangguni sa KWF, na bumuo ng isang patakaran sa pagmamapa ng polisiya sa wika sa loob ng isang taon matapos mabigyang bisa ang batas. Frenchshield Shayne G. Delovieres

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.