(Dibuho ni Jinmarson Chester V. Pua/ The Varsitarian)

KINONDENA ng mga guro at mananaliksik ng Departamento ng English ng UST ang pagpapatigil ng paggamit sa mother tongue bilang wikang panturo. 

Sa isang pahayag sa kanilang Facebook page, binigyang-diin ng departamento ang kakulangan sa konsultasyon at pag-aaral ng nasabing batas, pati na ang ‘di sapat na pondo na inilaan dito. 

TINGNAN: Paghinto sa paggamit ng Mother Tongue, naisabatas na

“May karapatan ang mga mananaliksik ng wika, guro, estudyante, at kanilang mga magulang na kwestyunin at mapakinggan hinggil sa mga usaping pang-edukasyon,” saad ng grupo sa wikang Ingles sa kanilang pahayag. “Anong mga hakbang (kung mayroon man) ang ginawa ng mga mambabatas upang makipagkonsulta sa mga pangunahing stakeholders?”

Dahil hindi ito pinirmahan o na-veto ng pangulo, kusang naging batas ang Republic Act (RA) 12027, o ang “Act of Discontinuing the Use of the Mother Tongue as Medium of Instruction from Kindergarten to Grade 3,” nitong Sabado, Okt. 12. 

Nanindigan ang departamento na isang masusing batas ang nagtaguyod sa Mother Tongue Based Multilingual Education (MTBMLE) sapagkat sumailalim ito sa malalim na pag-aaral at maingat na pagtatasa tungo sa inklusibo, pantay-pantay, at dekalidad na edukasyon.

Giit pa nila, isang paglihis ang pagtanggal sa mother tongue instruction mula sa intensyon at mga gabay ng RA 10533 o ang “2013 Enhanced Basic Education Act,” na sumusuporta sa pagpapatupad ng edukasyong nakabatay sa katutubong wika.

Bagama’t hindi tuluyang tinanggal ang mother tongue, makikita bilang diskriminasyon sa mga wikang katutubo ang probisyong opsiyonal na lamang ang pagpapatupad nito.

“Kaya naman, hinihimok at hinahamon namin ang mga kasapi ng lehislatura na maingat na isaalang-alang ang mga katanungang ito at tumugon sa pamamagitan ng pagbibigay sa MTBMLE ng mas maayos na pagkakataon para magtagumpay,” ayon sa pahayag. Frenchshield Shayne G. Delovieres

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.