ITINAMPOK ang walong tula ni Virgilio Almario, pambansang alagad ng sining sa panitikan, sa isang musikal na pagtatanghal nitong ika-10 ng Nobyembre sa Corazon Aquino Hall, St. Scholastica’s College sa Manila. 

Bilang paggunita sa ika-80 taon ng kaarawan ni Almario o mas kilala bilang Rio Alma, binigyang-pugay ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang kaniyang mga obra sa  produksyong “CCP Himig Hiraya: Mga Tula at Awit ni Rio Alma.”

Kabilang rito ang mga tulang “Pastoral,” “Katulad ng Pipit,” “Kung ang Tula ay Bulaklak,” “Mga Bagyo,” “Ang Guro Ko,” “Dalamhati,” “Mga Laruan,” at “Kasinlinis ng Batis mo ang Pag-ibig.”

Nilapatan ng orihinal na komposisyon ni Greg Zuniega, isang kilalang piyanista at kompositor, ang mga obra ni Almario upang pagsamahin ang tula at musika. 

Ayon kay Michael Coroza, tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), layunin ng programa na magkaroon ng bagong anyo ang tula, mula sa simpleng pagbigkas tungo sa pagiging kanta. 

“Sa tradisyonal na pananaw, a song is a poem set to music. ‘Yon ‘yong nangyari ngayon. Eight poems were set to music,” wika niya sa Varsitarian

Dagdag pa ni Coroza, inaasahan niya ang marami  pang musikal na komposisyon mula sa mga tula ng mga tanyag na makata upang palakasin ang kamalayan ng panitikang Pilipino. 

“[M]ahalagang maisakatuparan ang ganitong proyekto sa marami pang pagkakataon at mas marami pang kolaborasyon sa pagitan ng mga makata at ng mga musikero,” aniya. 

Binigyang-diin ni Almario ang kahalagahan ng mga pagtatanghal kung saan maaabot ng mga tula ang publiko.

“Maigi ‘yon sana kung mailagay namin sa [social media] para makita ng mga kabataan. Lalo na itong mga konsiyerto kasi mahalaga na ang mga tula [namin] ay magkaroon ng audience,” wika niya.

Inilunsad ang produksiyong ito ng CCP sa pakikipagtulungan ng UMPIL, Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at St. Scholastica’s College Manila, bilang bahagi ng selebrasyon ng Book Development Month ngayong Nobyembre. Frenchshield Shayne G. Delovieres

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.