Sa pagtatanghal ni Michael Coroza ng mga kantang isinalin sa Filipino, sumentro ang mga awiting tanyag noong 1950s hanggang 1980s na hindi lamang bahagi ng kasaysayan ng musika sa Filipinas kundi naging personal na paborito rin ng makata.

BINIGYANG-BUHAY ng isang premyadong makata at propesor sa Panitikang Filipino ang sining ng saling-awit bilang bahagi ng Pinoy Playlist Music Festival (PPMF) 2024 nitong ika-16 ng Nobyembre sa Zobel de Ayala Recital Hall, BGC Arts Center sa Taguig. 

Sa pagtatanghal ni Michael Coroza ng mga kantang isinalin sa Filipino, sumentro ang mga awiting tanyag noong 1950s hanggang 1980s na hindi lamang bahagi ng kasaysayan ng musika sa Filipinas kundi naging personal na paborito rin ng makata.

Ilan sa mga ito ang “Makapangyarihan” mula sa orihinal na titulong “La Ultima Copa,” “Pandangguhan,” “Ligawan,” “Tinikling,” “Atin Cu Pung Singsing,” at “Larawan ng Hirang.”

Ani Coroza, lingid sa kaalaman ng marami na matagal nang tradisyon at bahagi ng kulturang Filipino ang saling-awit o ang pagsasalin ng mga kanta.

“Ang ating bansa kasi ay isang bansa na maraming wika. At dahil sa pagkakaroon ng maraming wika ng ating bansa, isang malaking pangangailangan ang translation,” paliwanag ni Coroza.

Kaugnay ng “Tuloy ang Musika, Tulay ng Buhay” na tema ng PPMF 2024, inihayag ni Coroza ang kahalagahan ng musika sa pagbuo ng mas malalim na koneksyon sa lipunan. 

“Laging may mahalagang papel ang musika sa buhay ng isang tao. Ano ba ang mundo nang walang musika?” wika niya.

“[A]ng aking laging sinasabi ay ‘ang awit ay tula, ang tula ay awit.’ Kaya nga ‘yong aking advocacy talaga, kailangang tingnan din bilang tula ang mga kanta,” dagdag pa niya.

Isa si Coroza sa 300 artists ng PPMF 2024, ang tatlong araw na pagdiriwang para sa mga musikerong Filipino mula sa iba’t ibang henerasyon, genre at estilo ng musika.

Idinaos ito noong ika-15 hanggang ika-17 ng Nobyembre bilang bahagi ng pagsisimula ng BGC’s Passionfest ngayong taon na may temang “Passions as Bridges.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.