MALUHA-LUHA ang iyong mata habang nakatingin sa akin nang ibigay ako sa’yo ng ama mo na kauuwi lang galing Saudi Arabia.
Iyon ang ika-pitong taon mo sa mundo kung kaya’t marami kang hiniling na regalo mula sa iyong mga magulang at kapatid. Ilan sa iyong kagustuhan ay mabubulaklak na dress, magagandang manika, at mga munting alahas na naaangkop sa batang tulad mo na mahilig magkunwaring artista sa harap ng salamin. Kaya naman naiintindihan ko kung bakit halos magwala ka nang makita ako, na isang laruang baboy, bilang regalo sa iyo ng iyong ama.
Nakahikbi pa ang mukha mo habang matilos ang labi at halos hindi makatingin sa akin nang kuhanin ako. Alam kong dismayado ka dahil hindi nasunod ang gusto mong regalo.
Sa dinami-rami ba naman ng pwedeng iregalo, bakit laruang baboy pa?
Pero kahit gano’n, kita ko sa’yong bilugang mata ang ningning nang sa wakas ay umuwi ngayong Pasko ang iyong tatay na minsan mo lang makasama.
Hindi rin nagtagal bago tuluyang nawala ang tampo na dinadamdam mo dahil nagawa mo ring makipaglaro sa akin. Isinama mo pa nga ako sa hapag-kainan pagsapit ng noche buena dahil ang dahilan mo ay bahagi na ako ng pamilya. Nakatingin ka sa isang malaking lechon na nasa lamesa at itinuro mo ‘yon sa akin bago sabihing, “Ngok, kamukha mo!”
Kung nakakangiti lamang ang tulad ko, tiyak na nakatawa na rin ako.
Nang gabing ‘yon, itinabi mo lahat ang mga laruan na nakapalibot sa gilid ng iyong kama dahil sabi mo ay doon din ako hihiga. Kumuha ka rin ng maliit na towalya na may disenyong koala na siyang ibinalot mo sa akin. Binigyan mo ako ng espasyo sa iyong tabi at marahang pinahiga sabay tinakluban ng malambot na kumot at niyakap hanggang sa makatulog ka.
Lumipas ang ilang taon nang tayong dalawa ang magkasama. Pinanatili mo akong malinis at mabango kahit anong oras. Hindi mo rin ako hinayaan na mawalay sa’yo dahil sabi mo ‘pag kasama mo ako, kasama mo rin ang iyong ama.
Dumating muli ang araw ng pasko, hindi umuwi ang iyong ama ngunit kahit gano’n ay masaya ka dahil kapiling mo ako. Pinaghila mo pa ako ng silya sa iyong tabi at doon pinaupo. Malaki ang iyong ngiti habang pinalilipad ang kutsara na may lamang pagkain papunta sa aking bibig habang nakatingin lamang sa’yo ang buong pamilya.
Lumipas muli ang araw, linggo, at buwan, hindi nagbago ang pakikitungo mo sa akin. Apat na taon bago mo naisipan na ako’y paliguan. Ang dahilan mo pa ay pinakamalinis na hayop ang baboy sa lahat kaya hindi ko kailangan maligo nang madalas.
“Bango na uli si Ngok!” masayang sabi mo nang paliguan mo ako sa iyong kwarto. Kinuskos mo pa ang ilong ko dahil sabi mo ay ito ang pinakamarumi sa akin. Nagtatakang pinagmasdan ka ng iyong ina dahil nakita niyang pinupunasan mo ako ng sarili mong towalya.
Hindi ko na mabilang kung ilang taon pa ang muling lumipas. Napanood ko na rin ang iyong paglaki at kung paano ka naging ganap na isang dalaga. Subsob ka sa pag-aaral pero hindi mo nalimutan na yakapin ako sa tuwing maraming bagay ang nangyayari sa’yo. Lahat ng kwento mo ay alam ko at lahat ng ‘yon ay tahimik kong pinapakinggan kahit alam mong hindi ko naiintindihan. “Bakit kulot na ang mukha mo?” nagtatakang tanong mo sa akin at muling hinaplos ang kabuuan ng mukha ko.
Dumating ang araw ng ikalabing walong kaarawan mo. Doon ay nakatanggap ka ng mas maraming regalong pang dalaga na. Tuwang-tuwa ka habang binubuksan mo ‘yon. Sa pagdagsa ng bago mong gamit, nakalimutan mo nang nandoon ako.
Nakatapos ka na rin sa kolehiyo at malapit nang magtrabaho. Tinanong ka ng iyong ina kung saan mo ilalagay ang mga laruang nakalagay sa kahon at sinabi mong ipapamigay mo sa mga bata ngayong darating na pasko. Tumingin ka sa akin at muli mo akong nginitian.
Alam kong dumating na rin ang panahon ng iyong huling yakap sa akin, kagaya ng yakap na una mong ibinigay sa akin noong una mo akong nakita.
Isang tipid na ngiti ang sumilay sa labi mo noong halikan mo ang ilong ko bago ilagay sa ibabaw ng laruang ipamamahagi mo sa ibang mga bata.
Doon ko napagtanto na hindi ka naman nagbago. Sadyang nagbabago lang ang panahon, at habang hinaharap mo ang realidad ng mundo, unti-unti mo ring iiwanan ang mga bagay na naging bahagi ng iyong pagkabata.