HABANG patuloy na lumalakas ang impluwensya ng social media at banyagang wika, naging hamon sa media na kilalanin at palaganapin ang paggamit ng wikang Filipino, ayon sa mga mamamahayag.

Pinamagatang “Paano ba ang tamang pagtatanong maem? Ang Wikang Filipino sa Paglaban sa Fake News,” binigyang-diin ng isa sa mga tagapagsalita na si Kara David, premyadong mamamahayag at tagapangulo ng Departamento ng Peryodismo sa UP Diliman, ang kahalagahan ng Filipino bilang tulay ng impormasyon sa masa. 

“[P]arang instrumento ‘yong wika para mapalaganap ang wikang Filipino at dahil sa wikang Filipino lumalago at lumaganap din ‘yong audience, lumalaki rin ‘yong audience ng TV,” wika ni David.

Sa parehong talakayan, iminungkahi ni Jervis Manahan, mamamahayag mula sa ABS-CBN News at dalubguro sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa UP Diliman, na madaling maintindihan ng mga tao ang balita kung malapit sa kanila ang wikang ginagamit sa pag-uulat ng mga impormasyon.

I think ‘yon ang primary na ugnayan ng mass media at wikang Filipino na naging daluyan ng mga ideya, ng mga balita, at iba pang mga bagay,” wika ni Manahan.

Bagaman mahalagang hakbang ang paggamit ng wikang Filipino sa pag-uulat ng mga balita at impormasyon sa telebisyon, kinakailangan itong pagtibayin sa gitna ng pag-usbong ng mga online newspaper na nasa Ingles at mga pagbabagong dulot ng makabagong teknolohiya.

Dagdag pa ni David, malaking bagay ang paggamit ng wikang Filipino sa malalim na diskurso, partikular sa talakayan ukol sa mahahalagang isyung panlipunan. 

“Ang mga documentary programs, karamihan in Filipino. Magazine shows are in Filipino. Current affairs, public affair programs, are now in Filipino. I think this is a good step tungo sa pagpapalaganap ng wikang Filipino kasi dito maipapakita natin na ang wikang Filipino ay puwedeng gamiting midyum ng diskurso hindi lang para sa mga sitcom, drama, pero [sa] intelligent discourse [rin],” aniya.

Ani David, dapat ituro sa mga susunod na henerasyon ng mamamahayag ang pagmamahal sa wikang Filipino upang maiangat ang antas ng paggamit sa wikang ito sa iba’t ibang larangan.

“[K]asi kapag mahal mo ‘yong wika and you really believe in this, ikaw mismo gagawa ka ng paraan kung papaano mapapagyaman pa ‘yong iyong kaalaman sa wika na ‘yon,” aniya.

“If you really believe na napakaganda ng wika mo, mas magkakaroon ka ng mas maraming dahilan para pag-aralan pa ‘yong wika because you know that it’s a beautiful, beautiful language,” dagdag pa niya. 

Ang talakayan ay ang ika-anim na episode ng TalaSalitaan Online: Talakayan sa Wikang Filipino, Akademya, at Bayan. Pinangunahan ito ng Sentro ng Wikang Filipino ng UP Diliman atCenter for Open and Digital Teaching and Learning ng UP Open University noong ika-17 ng Enero. May ulat ni Marielle F. Pesa

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.