MULING KIKILALANIN ang mahuhusay na Tomasinong manunulat sa ika-40 na edisyon ng Gawad Ustetika, ang pinakamahabang taunang patimpalak pampanitikan sa bansa na inorganisa ng Varsitarian.

Bitbit ang temang “Pag-alabin ang Hiraya at Likha ng Panitikang Tomasino,” paparangalan sa Gawad Ustetika ang mga mahuhusay na Tomasinong manunulat sa mga kategoriyang  Tula, Poetry, Katha, Fiction, Sanaysay, Essay, at Dulang May Isang Yugto/One-Act Play

Bukás ang patimpalak sa lahat ng mga mag-aaral sa kolehiyo at mga antas gradwado at posgrado sa UST sa Taong Akademiko 2024 hanggang 2025.

Tatanggap ang Varsitarian ng mga lahok na akda hanggang ika-10 ng Pebrero 2025, Sabado. 

Upang sumali sa patimpalak, sagutan ang Google Form (http://bit.ly/40thGawadUstetika) at ilakip ang mga sumusunod: kopya ng akda (PDF format); kopya ng registration form ng kalahok; at Certification of Originality na nilagdaan ng isang propesor sa Ingles o Filipino. 

Makatatanggap ng P15,000 ang magwawagi ng unang gantimpala, habang mag-uuwi naman ng P10,000 ang ikalawang gantimpala at ng P5,000 ang ikatlong gantimpala. 

Pipili si UST Rektor P. Richard Ang, O.P. ng paparangalan ng Rector’s Literary Award mula sa mga manunulat na magkakamit ng unang gantimpala sa anumang kategoriya. 

Igagawad naman ng Varsitarian ang Parangal Hagbong, isang lifetime achievement award, sa mapipiling Tomasinong manunulat na nakapagdulot ng hindi matatawarang kontribusyon sa larangan ng panitikan.

Noong nakaraang taon, iginawad ang Parangal Hagbong kay Roberto Añonuevo, isang makata, tagasalin, at kritiko na nagsilbing direktor heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang primyadong manunulat, kinilala na si Añonuevo sa Talaang Ginto, Carlos Palanca Memorial Awards (bilang Hall of Famer), National Book Awards, at Southeast Asian (SEA) Write Awards mula sa kamahalan ng Thailand.

Kabilang sa mga dating nagwagi ng lifetime achievement award sina Nick Joaquin, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at bantog na peryodista; Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at dating katuwang na patnugot sa panitikan ng Varsitarian; at Victor Emmanuel “Vim” Nadera Jr., propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at dating punong patnugot ng Varsitarian.

Para sa mga katanungan at iba pang detalye, tawagan sina Karis Tsang (0927 858 1633) at Diana Cabalo (0969 627 3910), o magpadala ng email sa ustetika@varsitarian.net. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.