BINIGYANG-DIIN ng historyador at kolumnista na si Ambeth Ocampo na ang hinaharap ng nakaraan ay isang patuloy na laban mula sa laganap na misinformation.
Sa lektyur na pinamagatang “The Future of History,” ibinahagi ni Ocampo, isang kolumnista sa Philippine Daily Inquirer, na isa sa pinakamalalaking balakid ng kasaysayan ay ang mga pekeng balita at impormasyon na mababasa online.
“Now, our big problem is fake news, and I want to tell you that fake news is not new. Fake news is as old as history,” giit ni Ocampo sa taunang Adrian E. Cristobal Lecture Series sa De La Salle University Manila nitong Huwebes, ika-20 ng Pebrero.
Sa pag-usbong ng artificial intelligence (AI) tools, maaari na aniyang ma-manipula ang mga lawaran na posibleng magamit sa maling pamamaraan sa online.
Pinaalalahanan ni Ocampo ang mga tagapakinig na maging kritikal sa mga nababasa sa internet.
“Huwag paniwalaan ang lahat ng nakikita at naririnig. Maging responsable sa pagbabasa sa mga nakikita sa online, at tanungin muna ang sarili kung totoo ba ito o produkto ng isang haka-haka,” saad ni Ocampo.
Iginiit din ni Ocampo ang papel ng mga mamamahayag at ang wastong paggamit ng mga direkta o primary sources upang beripikahin ang mga impormasyong nailalahad online.
“[S]omething that I learned as a journalist [is] that you do not only take one source. You actually need at least three. You always validate,” wika niya.
Ilan sa mga trabaho ng mga mamamahayag ay ang pagiging responsable, patuloy na pagkilatis sa mga nababasa online bago mag ulat ng balita, at wastong pagsasaliksik ng mga ebidensya.
“When I Google something, I will Google for an hour until Google cannot give me any more results. They say, why are you doing that? Because you are validating the information,” aniya.
“As a historian, you have to know what really happened. The power of history lies in its relevance and no real historian will actually propagate false truth,” dagdag pa niya.
Si Ocampo ang ika-15 na nagtalumpati sa taunang lektyur na nagsimula noong 2011 bilang pagpupugay sa yumaong manunulat at intelektwal na si Adrian Cristobal, na siyang nagtatag ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL).
Dumalo sa lektyur ang pambansang alagad ng sining sa panitikan na si Virgilio Almario, ang pamilya Cristobal, at mga kinatawan ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center at UMPIL.
Noong nakaraang taon, ang dating senador na si Leila de Lima ang naging tagapagsalita sa taunang lektyur ng UMPIL. Ma. Irish F. Fery