PINARANGALAN ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (Umpil) ang Tomasinong makata na si Joel Toledo ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa katangi-tanging ambag sa panitikan.
Ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay isang panghabangbuhay na parangal mula sa Umpil na kumikilala sa hindi matatawarang kontribusyon ng mga manunulat sa pagpapaunad ng panitikang Pilipino.
Ginawaran si Toledo, isang resident fellow ng UST Center of Creative Writing and Literary Studies, ng Gawad Balagtas para sa kaniyang tulang ingles.
“I’m deeply honored for the gawad kasi hindi siya about a particular book—it’s about [a] lifetime commitment to fostering Philippine literature,” ani Toledo.
Ibinahagi ni Toledo sa Varsitarian na habang lumilipas ang panahon, nagbabago rin ang mga paksang tinatalakay niya sa kaniyang mga akdang isinusulat.
Aniya, lumago ang kaniyang panulat mula sa personal na karanasan patungo sa diskursong panlipunan.
Ang unang koleksyon ng kaniyang mga tula ay pinamagatang “Chiaroscuro,” na tumatalakay sa mga alaala ng pagkabata at ang paglipat mula sa probinsya patungo sa Maynila.
“I think as I get older, the concerns become a little less about the self and the willingness to share stuff about themselves but outward, more about poetry that relate to people,” saad ni Toledo.
Kabilang sa mga aklat ng tula ni Toledo ang “The Long Lost Startle” at “Fault Setting” na parehong inilathala ng UP Press, ang “Ruins and Reconstructions” na inilimbag ng Anvil Publishing, at ang “The Blue Ones are Machines” na inilathala ng Vagabond Press Australia noong 2017.
Sa kaniyang pinakabago at ikaanim na koleksyong “Planet Nine,” na inilabas ng UST Publishing House noong 2023, binigyang-diin ni Toledo ang iba’t ibang paksa kagaya ng agham, kasaysayan, musika, at ang usaping geopolitikal.
“In a nutshell, my poetry has transcended the need for the self to express and more about reflecting the plight of the people and the environment,” dagdag pa niya.
Hinimok ni Toledo ang mga kabataang makata na nais magsulat tungkol sa mga isyung kinakaharap ng lipunan na huwag matakot tumuklas ng ibang perspektiba.
Aniya, hindi lamang dapat umiikot sa sariling damdamin ang pagsusulat.
“Imagine yourselves in some other place, some other context, and you’ll realize that frees up your imagination,” wika ni Toledo.
Idaraos ang 2025 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa ika-26 ng Abril.
Taong 1988 nagsimula ang pagbibigay ng UMPIL ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa mga Pilipinong manunulat na malaki ang naging papel sa pagpapalaganap ng panitikan gamit ang anumang wika sa Filipinas.