IGINAWAD sa makatang si Michael Coroza ang prestihiyosong Parangal Hagbong, para sa kaniyang natatanging kontribusyon sa wikang Filipino, sa Gabi ng Parangal para sa ika-40 taon ng Gawad Ustetika noong Sabado, Marso 29.

Ang Parangal Hagbong ay isang lifetime achievement award na iginagawad ng Varsitarian mula 1997 sa isang Tomasinong nagpamalas ng hindi matatawarang kontribusyon sa larangan ng sining at panitikan.

Ngayong taon, pinili si Coroza dahil sa “malaking kontribusyon niya sa pagtataguyod sa wikang Filipino bilang makata, tagasalin, guro, at kritiko. [S]a lahat ng tunguhin niya, laging ang pagpapahalaga sa wikang kinakasangkapan ang pangunahing layunin ng kaniyang panulat,” ayon sa sitasyon ng parangal. 

Sa pagtanggap ng parangal na ito, binalikan ni Coroza ang kaniyang simula bilang isang manunulat sa Varsitarian.

“Unang-una, kailangang kilalanin ko ang Varsitarian, higit sa anong paraang dapat kilalanin ang Varsitarian,” aniya. “Varsitarian ang sumira ng buhay ko. Sinira [nito] ang pangarap ng tatay ko na mag-abogado ako.” 

Aniya, dahil sa Varsitarian, lalo siyang nahilig sa pagsusulat, at ‘di kalauna’y tuluyang binitawan ang pangarap na maging abogado. 

“Nakilala ko ang mga manunulat at sobrang nahilig na ako sa pagsusulat. Kaya pagkatapos ko ng kolehiyo, wala na akong balak mag-abogado. Ang gusto ko na lang gawin ay maging makata,” wika ni Coroza.

“Salamat naman, sapagkat tila, tama naman talaga ang aking desisyon sa buhay. Kasi maayos naman ang aking kalagayan. Umaani ng parangal at tagumpay–dito at doon. [K]aya salamat sa lahat, Varsitarian,” dagdag ni Coroza.

Si Coroza ay isang premyadong makata, mananaysay, tagasalin, mang-aawit, at manunulat na kilala sa kaniyang mga akda tulad ng “Dili’t Dilim” (1997), “Mga Lagot sa Liwanag” (2002), at “Ang Mga Lambing ni Lolo Ding” (2012).

Naging tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Ateneo de Manila University si Coroza mula noong 2020 hanggang 2023. Siya rin ay tagapamuno ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). 

Bukod sa pagkilala ng The Varsitarian, ginawaran rin ng Unibersidad si Coroza ng The Outstanding Thomasian Alumni (TOTAL) Award for Humanities noong 2016. 

Haraya, pundasyon ng tula

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Coroza na ang pundasyon ng isang mahusay na makata ay nakasalalay sa kakayahang mag-isip sa kabila ng mga hamon na kinahaharap.

“Sa pagtula, batayan at pangunahing kailangan ng makata ang haraya. Mutya itong kailangang walang puknat at maingat na hintaying malaglag at buong katiyakang saluhin sa bibig ng makata,” wika ni Coroza.

“Pakpak itong hindi makapagpapalipad kung hindi kusang kakampay at itutulak pa-itaas ng marurubdob na pagnanasang matuklas at makaniig ang mga hindi tiyak ngunit kapana-panabik na kung ano, bakit, at paano sa likod ng mga ulap,” wika ni Coroza.

Tinapos ni Coroza ang kanyang talumpati sa pamamagitan ng paghikayat sa mga matatapang na sumubok, dahil walang balakid o pakikibaka ang makakatalo sa lakas ng haraya. 

“Sa sinumang naghahangad magmakata, maraming dapat tuklasin, linangin, at suhetuhin sa haraya. Sa mapagpaubaya o walang pakialam, o sa sinumang hindi nananalig sa tula, walang darating na himala at laging wari’y mandaraya ang haraya.”

Ilan sa mga nakatanggap ng parangal ang mga Pambansang Alagad ng Sining tulad nina Nick Joaquin, Daisy Hontiveros Avellana, Rolando Tinio, J. Elizalde Navarro, F. Sionil José, Cirilo Bautista, at Bienvenido Lumbera.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.