ITINAMPOK sa isang webinar ang pagsulong ng literaturang GAD o Gender and Development upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay na representasyon sa mga bawat karakter. 

Sa lekturang “Pagtanaw sa Pagsulong ng Literaturang GAD sa Pag-unlad ng Bansa,” ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), kinilala ang mga akdang tungkol sa mga isyung kasarian, identidad, seksuwalidad, at kapangyarihan.

“Ang Gender and Development ay isang programa sa ating gobyerno na [nagbibigay ng kapangyarihan sa] mga babae. Nabibigyan sila ng pagkakataong palakasin ang sarili nilang karapatan,” paliwanag ni John Iremil Teodoro, propesor sa Departament of Literature ng De La Salle University.

Ipinaliwanag ni Teodoro na ang pagkakapantay-pantay ng mga tao, anuman ang kasarian o sekswalidad, ay nakapaloob sa Republic Act 9710 o Magna Carta for Women. 

“Ang Gender and Development ay isang programa sa ating gobyerno na [nagbibigay ng kapangyarihan sa] mga babae. Nabibigyan sila ng pagkakataong palakasin ang sarili nilang karapatan,” paliwanag niya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng panitikan sa pagsusulong ng gender sensitivity at inclusivity. Aniya, ang pagbasa at pagsulat ay makapangyarihang kasangkapan upang hamunin ang mga lumang paniniwala at upang mas lumawak pa ang kamalayan ng mga tao tungkol sa mga paksang gaya ng GAD.

Tampok sa webinar ang akdang “Ladlad,isang antolohiya ng mga akdang LGBTQ+ na naging mahalagang bahagi ng pag-usbong ng gay literature sa bansa na nagsimula noong dekada ng 1990 sa panulat nina J. Neil Garcia at Danton Remoto.

“Ang gawin lang talaga ay magsulat at siguro [magbasa ng mga tekstong may kaugnayan sa GAD],” wika niya.

Naging tampok din sa mga punto ni Teodoro ang paggamit ng malikhaing pagsulat bilang larangan upang mailahad ang karanasan at tinig hindi lang ng komunidad ng LGBTQ+, kung hindi pati na rin ang mga kalalakihan at kababaihan.

“Magbasa tayo ng iba’t ibang libro [na may] iba’t ibang tema, iba’t ibang topic, para mas lumawak ang ating isipan,” paliwanag niya.

Aniya, ang layunin sa pagtuturo ng literatura ng malikhaing pagsulat ay para mas malinang at mapalawag ang kaisipan ng mga mambabasa.

Isinagawa ang webinar noong ika-7 ng Abril, una sa apat na webinar na idaraos bilang paggunita sa Buwan ng Panitikan ngayong Abril. Sofia Gabrielle G. Rosario

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.