BINIGYANG-DIIN ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario ang naging papel at kabuluhan ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa paghubog ng kasaysayan, partikular sa Rebolusyong Pilipino na sumiklab noong 1896.

Sa kaniyang lektura, iginiit ni Almario na ang pagmulat ng mga Pilipino laban sa kolonyalismo ay hindi nagsimula sa mga akda ng mga bayaning sina Jose Rizal o ni Andres Bonifacio, kundi kay Balagtas na kinikilalang dalubhasa ng tradisyonal na panulaang Filipino. 

“Kung may maghahanap ng mas mahabang linya kung paano nagising ang mga tao, hindi tayo magsisimula sa Gomburza. Magsisimula tayo kay Balagtas,” wika niya. 

Ayon kay Almario, naiipon patungo kay Balagtas ang pagkamulat at pagkakaroon ng kamalayan ang mga Pilipino kaugnay sa Pasyon, sa mga isyu ng sekularisasyon, sa Katipunan,  sa solidaridad, at iba pang danas.

Bagaman hindi marunong magbasa ng Ingles o Espanyol ang mga katutubong Pilipino, nilinaw ni Almario na ang mga Pilipino ay “tiyak na nagkaroon ng kamalayan” tungkol sa rebolusyon dahil sa mga akda ni Balagtas.

“Hindi dahil lang sa mahusay mag-lecture si Bonifacio [sa katipunan], kundi dahil nasa puso nila ‘yong paggising, pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa dangal, dahil sa mga salita ni Balagtas — ’yong mga nakita nila sa awit at korido,” saad niya. 

Ang himagsikan

Ayon kay Almario, ang himagsikang 1896 ang unang himagsikang anti-kolonyal sa buong Asya at sa buong mundo. 

“Una, kilalanin natin na may ganitong importansya ang ating rebolusyon. Ikalawa, na napakahalaga sa rebolusyong ito, ang kaugnayan nito kay Balagtas. Para mas maunawaan natin ang kahulugan ni Balagtas, kailangang tignan natin ang katuturan niya sa panitikang kolonyal ng Pilipinas,” paliwanag niya.

Iminungkahi rin ng pampanitikang historyador na may dalawang pangunahing landas na nagtulak sa mga Pilipino tungo sa rebolusyon.

Ito ang Landas ng Ilustrado na nagmula sa mga edukado, at ang Landas ng Katutubo na nakaugat sa mga awit, korido, at pasyon ng bayan.

Unang binanggit ang Landas ng Katutubo sa “Pasyon at Rebolusyon” ni Reynaldo Ileto, kung saan ipinaliwanag niya na maraming elemento ng rebolusyon ang humugot ng inspirasyon mula sa pasyon at sekular na mga akda ng panahong iyon, katulad ng “Florante at Laura” ni Balagtas, na isang tanyag na awit at korido.

Naniniwala si Almario na marami ang dapat pag-aralan sa panitikan, partikular sa “Landas na Sabana,” ang agwat sa panitikan o ang dalawang siglong koloniyal mula 1593 hanggang 1838 na walang naitalang panitikang Filipino, bukod sa mga pangrelihiyong akda. 

“Ang mga lugar na walang masyadong epekto ang kolonyalismo, naroon ang mga epikong bayan natin na marami,” aniya.

Isinagawa ang lektura ni Almario na pinamagatang “Ang Kabuluhan ni Balagtas sa Himagsikang 1896,” sa taunang St. Antoninus of Florence Lecture, na inorganisa ng UST Graduate School, sa Thomas Aquinas Research Complex Auditorium nitong Sabado, ika-26 ng Abril. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.